Rep. Joel Chua

Pag-upo ni VP Sara sa witness stand malaking dagok sa defense team

Mar Rodriguez Jun 13, 2026
53 Views

MALAKING dagok at bangungot para sa defense team ni Vice President Sara Z. Duterte ang pag-upo niya sa witness stand para sa nakatakdang Senate impeachment trial, ayon kay Rep. Joel Chua.

Ayon kay Chua, mahirap na desisyon para sa defense team ng Pangalawang Pangulo ang pagpapaupo kay VP Sara sa witness stand para magbigay ng testimonya kaugnay sa mga alegasyong ikinukulapol laban sa kaniya.

“‘Yun ay nasa sound discretion po ng defense kung sa tingin po nila na mas makakatulong sa kanila ang appearance ng ating Vice President. So, it’s a matter of legal strategy on the part of the defense panel,” pahayag ni Chua.

Hindi masabi ni Chua kung pipiliin ba sa huli ni VP Duterte na tumestigo sapagkat ang bagay na ito ay ganap na nakasalalay aniya sa defense at bahagi ng kanilang pangkalahatang estratehiya sa paglilitis.

“Once na siya po ay ginawa nilang testigo, she will be subjected to cross examination,” sabi ni Chua.

Sa ilalim ng mga pamamaraan sa impeachment trial, tetestigo si Duterte bilang defense witness kung ipapatawag ng kanyang mga abogado.

Isasailalim muna siya sa direct examination ng defense bago siya usisain ng prosecution. So pag-inupo siya, magsasalita po siya, ‘yun po ‘yung kanyang direct examination. Tapos kami naman po, i-co-cross namin po siya,” paliwanag ni Chua.

Nakatakdang isagawa ng Senate impeachment court ang pre-trial conference sa Hunyo 18.