Senado Source: File photo ni JOSEPH MUEGO

Mga senador hinimok na tapusin na bangayan matapos magpatawag ng special session PBBM

50 Views

HINIMOK ni Senador Erwin Tulfo ang mga senador na tapusin na ang bangayan sa liderato ng Senado at bumalik sa trabaho matapos magpatawag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng special session ng Kongreso sa June 17.

Inisyu ni Marcos ang Proclamation No. 1318 na nag-aatas sa Kongreso na magpulong sa gitna ng sine die adjournment upang talakayin ang ilang priority measures.

Kabilang sa mga panukalang binanggit sa proklamasyon ang panukalang National Center for Geriatric Health, mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act, Assistance to Individuals in Crisis Situations Act, mga amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict-Affected Areas Schools Act, mga amyenda sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, panukalang Anti-Political Dynasty Law, at panukalang Presidential Merit Scholarship Program.

Sinabi ni Tulfo na dapat pagtuunan ng mga senador ang mga nakabinbing trabaho sa halip na gawing usapin ng kulay-pulitika ang sigalot sa Senado.

“Sana itong mga leader-leader dyan, na mga yawyaw nang yaw-yaw, na kami yung Senate of the Philippines, Senate na kayo ng Malacañang — BS!” sabi ni Tulfo sa isang panayam.

Itinanggi niya na kumikilos para sa Malacañang ang blokeng kumikilala kay Acting Senate President Sherwin Gatchalian.

“Magtrabaho na lang tayo. Kung talaga may pagmamahal kayo sa Pilipino, huwag mo nang tingnan yung kulay. Kasi ang nangyayari, ginagawa na ito ng mga tao na, Pula kayo, Berde kami,” sabi ni Tulfo.

“Brown na lang tayo. Let’s just be brown,” dagdag niya.

Ginawa ni Tulfo ang panawagan habang nananatiling hati ang Senado sa pagitan ng blokeng kumikilala kay Gatchalian at ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano.

Nagsimula ang sigalot sa liderato matapos ang sesyon noong June 3, nang kumilos ang 12-miyembrong bloke para reorganisahin ang Senado at ihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore. Dahil idineklara ng blokeng iyon na bakante ang posisyon ng Senate President, nagsisilbi si Gatchalian bilang Acting Senate President.

Kinuwestiyon ni Cayetano ang hakbang.