Calendar
Mga isinulat ni Rizal patuloy na nagsisilbing gabay — Legarda
NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda ng pagkakaisa at pananagutan bilang mamamayan sa paggunita ng bansa sa ika-165 kaarawan ni Dr. Jose Rizal, at sinabing nananatiling mahalaga ang mga aral ng pambansang bayani tungkol sa katotohanan, edukasyon at pagmamahal sa bayan.
Sinabi ni Legarda na dapat ipaalala ng pamana ni Rizal sa mga lider at mamamayan na kailangan ang sama-samang pagkilos at pananagutan para sa pag-unlad ng bansa.
Binanggit niya ang Noli Me Tangere, partikular ang palitan nina Crisostomo Ibarra at Pilosopo Tasio tungkol sa plano ni Ibarra na magtayo ng paaralan, bilang paalala sa banggaan ng reporma at nakaugat na kapangyarihan.
Ayon kay Legarda, ipinakita ng bahaging ito kung paanong ang edukasyon at iba pang reporma ay maaaring maapektuhan o malimitahan ng umiiral na sistema ng impluwensya.
“Rizal’s courage was expressed in his insistence that conscience must prevail over silence. His life compels us to ask: are we defending truth when it is most contested, are we protecting our environment when it is most fragile, are we nurturing education when it is most needed? These questions remain urgent responsibilities today,” ani Legarda.
Sinabi ng senadora na ang pananaw ni Rizal sa pagiging bansa ay nakaugnay sa kultura, kalikasan at tungkulin ng mamamayan. Aniya, patuloy na nagsisilbing gabay ang mga isinulat ni Rizal tungkol sa kaugalian ng mga Pilipino, katutubong halaman at hayop, at edukasyon sa pagsusulong ng mga hakbang para sa paaralan, pangangalaga sa pamana at climate action.
Ayon kay Legarda, nananatiling mahalaga ang paalala ni Rizal tungkol sa konsensya at pananagutan habang nagpapatuloy ang gawain ng mga institusyon at hinahangad ng bansa ang katatagan.
Binanggit din niya ang mga hakbang na nagpapalaganap sa pamana ni Rizal sa ibang bansa, kabilang ang digital documentation ng mga ethnographic object ni Rizal sa Berlin, pagpapalakas ng Philippine Studies programs sa mga unibersidad, at paglahok ng Pilipinas bilang Guest of Honour sa Frankfurt Book Fair noong 2025.
“Rizal believed that freedom carries responsibility to one another, to our communities, and to generations yet to come. The best tribute we can offer him is to live with purpose, to build a society where justice and truth are non-negotiable,” ani Legarda.
Hinimok ni Legarda ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan, na isabuhay ang mga aral ni Rizal sa pamamagitan ng integridad, tapang at pananagutan.

