House

Isyu sa liderato sa Senado maaaring moot matapos ang botohan — Escudero

209 Views

SINABI ni Senador Francis “Chiz” Escudero na maaaring naging moot na ang kaso sa Korte Suprema kaugnay ng Senate leadership dispute matapos bumoto ang 13 senador sa June 17 special session upang pormal na ihalal si Senate President Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Escudero, naibigay ng special session ang bilang na kailangan upang maresolba ang leadership issue, bagama’t sinabi niyang maaari pa ring linawin ng Korte Suprema ang aplikasyon ng Avelino ruling na binanggit sa naunang sigalot sa Senado.

“Moot na dahil nung special session nagkaroon na ng 13 at may 13 na para ihalal ng pormal ang Senate president at gayon din yung iba’t ibang mga chairman ng iba’t ibang komite,” ani Escudero.

Sinabi ni Escudero na nagpalabas din ng pahayag si Senador Alan Peter Cayetano na tinanggap nito ang bagong liderato matapos ang June 17 vote.

“So at least ito nga na-settle yung isyung iyon. Hindi lamang dahil nagkaroon ng 13 dahil tinanggap na rin ni Senate President Cayetano na dahil nga may 13 na, nagpalabas siya ng pahayag na tinatanggap niya yung bagong liderato na rin,” ani Escudero.

Sinabi ni Escudero na umaasa siyang nalampasan na ng Senado ang leadership row, at sinabing walang may gustong magkaroon ng sigalot sa loob ng institusyon.

“Para sa akin syempre hopeful ako na ang Senado maayos na. Yan ang bahay, tahanan na kinabibilangan ko,” aniya.

“At sino ba naman ang may gusto na may sigalot, may gulo, may away at bangayan sa sarili at sa loob ng sarili mong tahanan? Iyakan, bangayan, sigawan, walkout-an. Wala namang may gusto niyan,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Escudero na wala siyang nakikitang kaugnayan ang special session sa mismong impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“Yung special session wala akong nakikitang kaugnayan sa impeachment trial ni VP Sara,” ani Escudero, kasabay ng pagsasabing napagkasunduan na noon pa ang pre-trial at trial schedule.

Ayon kay Escudero, kailangan pa ring maresolba ang leadership dispute bago ang impeachment trial dahil hindi maaaring pumasok ang Senado sa trial proceedings na may magkakatunggaling claim sa liderato.

“Dahil sa July 6, magsisimula na ang impeachment trial, trial na mismo ni Vice President Sara Duterte. Yan ay na-set na sa calendar bago pa man itong kaguluhang ito,” ani Escudero.

“Ang pinakahuling gusto nating makita kapag nagta-trial ang Senado, may dalawang uupo sa taas at magsasabing ako ang ganyan, ako ang ganyan,” dagdag niya.

Sinabi ni Escudero na walang immunity ang senator-judges mula sa mga nakabinbing imbestigasyon o kaso dahil lamang sa impeachment trial.

“Walang immunity binibigay sa Senator Judges ang pagkakaroon ng impeachment trial,” aniya.

Sinabi niya na magpapatuloy ang mga imbestigasyon, preliminary investigation at court proceedings na kinasasangkutan ng mga senador, habang ang magiging epekto sa kanilang partisipasyon ay nakadepende sa status ng bawat kaso at anumang utos ng korte.

Ayon kay Escudero, dapat maging patas ang impeachment court at dapat ding makita ng publiko na ito ay patas.

“Ang importante gaya nga ng sabi ko basta maging parehas, patas. Hindi lang parehas at patas. Hindi lang aktwal na parehas at patas. Dapat mukha ring parehas at patas,” aniya.

“There’s a phrase about that in law. You must not only be impartial; you must also appear to be impartial,” dagdag ni Escudero.

Sinabi rin ni Escudero na manipis pa ang bagong mayorya, dahil sapat man ang 13 boto upang makapag-organisa, makitid pa rin ang margin ng liderato.

“Pero syempre manipis na mayorya ito. 13 ‘di ba,” aniya.

Sinabi niya na kailangan pa ring makahikayat ang bagong liderato ng iba pang miyembro upang maging mas matatag ang mayorya.

“Sa ngayon syempre ang kailangan gawin nila SP Gatchalian maghikayat ng iba pang mga miyembro na sumapi sa mayoriya para maging mas stable yung majority niya,” ani Escudero.

Sa usapin ng mga haka-hakang maaaring siya ang mamuno sa impeachment trial, sinabi ni Escudero na wala pang desisyon.

“Wala pang ganun pasya. Pagpapasyahan yan ng impeachment court kapag nagsimula kami sa July 6,” aniya.

Sinabi ni Escudero na maaaring nagmula ang haka-haka sa katotohanang iilan lamang ang abogado sa Senado, ngunit iginiit niyang ang impeachment court pa ang magpapasya rito.

Itinanggi rin ni Escudero ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa tinatawag na “maleta” issue.

Sinabi niya na dapat ihain ang mga alegasyon sa pamamagitan ng pormal na reklamo o affidavit sa halip na press conference.

“Kung talagang may rason eh maghain ng affidavit, maghain ng reklamo para masagot, para mapawalang bisa o masabing walang katotohanan yan. Bakit puro presscon na walang pananagutan?” aniya.

Sinabi ni Escudero na dapat magpatuloy ang regular na trabaho ng Senado kahit isinasagawa ang impeachment trial.

Ayon sa kanya, kailangan pa ring magsagawa ang kapulungan ng sessions, committee hearings, pagpasa ng panukalang batas, debate sa mga panukala at iba pang tungkulin.

“May trabaho pa rin kami labas sa impeachment eh. Hindi naman namin pwedeng itigil lahat. Committee hearing, pagpasa ng panukalang batas, pagdebate, pagsalita, pag-imbestiga dahil lamang may impeachment,” aniya.

Sinabi rin ni Escudero na hindi siya pabor sa walkouts, dahil ang Kongreso ay deliberative body kung saan dapat maresolba ang hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng botohan.

“Hindi ako sang-ayon sa walkout eh. Alam mo sa tinagal-tagal ko sa kongreso hindi pa ako nag-walkout kasi nga naniniwala ako Congress is a deliberative body,” aniya.

Sinabi niya na dapat lutasin ng democratic institutions ang hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng boto, hindi sa pag-alis sa proceedings.

“Kung talo ka sa boto hindi rason ‘yun para umalis. Magbotohan tayo. Hayaan mong matalo ka. Harapin mo yung pagkatalo mo sa boto,” ani Escudero.

Sinabi ni Escudero na umaasa siyang makababalik sa trabaho ang mga senador sa ilalim ng mas matatag na Senado bago magsimula ang impeachment trial.