Lacson

Lacson: Pag-uugnay sa impeachment, flood control probe bahagi ng maagang pulitika sa 2028

60 Views

BAHAGI ng maagang pamumulitika para sa 2028 elections ang mga pagtatangkang iugnay ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa imbestigasyon sa flood control projects, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.

Hindi made-derail ng impeachment trial ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y maanomalyang flood control projects, pagtitiyak ng senador.

Ayon kay Lacson, pinili ng Senate majority bloc na huwag ng patulan ang mga pahayag na maaaring maapektuhan ng impeachment proceedings ang flood control inquiry.

“Hayaan na lang natin silang mangampanya. Hindi talaga made-derail yan. Given naman ‘yan, sinasabi lang ‘yan, alam mo kasi may mga kasamahan kami na tatakbo sa 2028.

Naunawaan namin ang kanilang mga Facebook Live, social media, interview sa media,” sabi ni Lacson.

Maaga pa nasa campaign mode ang ilan sa mga nagpapalutang ng naturang pahayag, ayon sa senador.

“Naunawaan namin ang kanilang mga sinasabi kasi this early campaign mode na yung iba. So ang position namin, kami sa majority, huwag na lang patulan,” aniya.

Nauna nang sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano na hindi dapat maging dahilan ang nalalapit na impeachment trial ng Bise Presidente upang matigil ang imbestigasyon ng Senado sa flood control projects.

Ang Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo, ang nangangasiwa sa imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Pinamunuan ni Lacson ang naturang imbestigasyon bago ang reorganisasyon ng mga komite sa Senado.

Magpapatuloy ang flood control inquiry kahit naghahanda ang Senado para sa impeachment trial na magsimula sa July 6.

Ginawa ni Lacson ang pahayag habang naghahanda ang Senado na hawakan ang impeachment trial kasabay ng pagpapatuloy ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood control projects.