SP Gatchalian: Bisita puwede na sa Senado sa ilalim ng OSAA system

38 Views

SINABI ni Senate President Sherwin Gatchalian na papayagan ng Senado ang pagpasok ng mga bisita sa ilalim ng Visitor Management System ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).

Ayon kay Gatchalian, mananatili ang mga hakbang sa seguridad para sa kaligtasan ng mga senador, kawani, media, mga bisita at publiko.

“Malinaw ang layunin natin: tiyakin ang kaligtasan ng mga senador, kawani, media, mga bumibisita sa Senado, at ng publiko,” pahayag ni Gatchalian.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Senado sa security agencies upang mapanatiling ligtas ang institusyon.

Sa ilalim ng sistema, dadaan ang mga bisita sa inspeksyon sa mga pasukan, pagpapakita ng identification card, pagbabantay sa loob at paligid ng Senado, at iba pang hakbang sa seguridad.

Ayon kay Gatchalian, bukas ang kanyang tanggapan sa mga mungkahi habang pinananatili ng Senado ang balanse sa pagitan ng seguridad at public access.

“Makikinig tayo at sisikaping matugunan ang mga ito, habang tinitiyak ang tamang balanse sa pagitan ng seguridad at accessibility,” dagdag niya.