Dayuhan

BI agents hinuli 10 dayuhan

Jun I Legaspi Jun 29, 2026
34 Views

SAMPUNG dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa Siargao Island noong Hunyo 26, ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan mula sa BI Intelligence Division Main Office at BI Mindanao Intelligence Task Group matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente at negosyante hinggil sa mga banyagang lumalabag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas.

Layunin ng operasyon na mapanatili ang matibay na presensya ng ahensya sa mga pangunahing destinasyong panturismo.

“Patuloy na minomonitor ng aming mga tauhan ang mga ulat mula sa komunidad at nakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya upang matiyak na ang mga banyaga ay sumusunod sa batas habang tinatamasa ang kagandahan ng ating bansa,” ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato S. Manahan, Jr.

Nakilala ang mga inaresto sina Abeve Tewabel, 23, Israeli, dahil sa ilegal na pagtatrabaho; Etay Harari, 51, Israeli, na nagtatrabaho bilang disc jockey ng walang work authorization; Larbi Oirdi, 23, Moroccan; Lauren Elizabeth Fornazieri, 34, Australian, dahil sa overstaying; Bill James Augustine, 27, Nigerian, na ilegal na nagtatrabaho bilang dog trainer; Edgar Drozdov, 39, Lithuanian, na namamahala ng resort at nagtatrabaho bilang food delivery rider ng walang permit; Zhu Guifu, 36, at Chen Anqi, 31, Chinese, na natuklasang overstaying at may blacklist records mula sa dating paglabag sa imigrasyon.

Ayon kay Commissioner Viado: “Nanatiling bukas ang Pilipinas sa mga lehitimong turista, mamumuhunan, at bisita mula sa ibang bansa.”