Calendar
Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong
Pre-trial order ng impeachment court inaabangan ng House prosecution panel
HINIHINTAY ng House prosecution panel ang pre-trial order ng impeachment court ng Senado, isang linggo bago ang paglilitis kay na-impeach na Bise Presidente Sara Duterte.
“Well, handang-handa na po ang House prosecution panel. Sa katunayan, naghihintay po tayo kung kailan ilalabas ng Korte ang kanilang pre-trial order,” ani House trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur noong Lunes sa programang Balitanghali ng GMA.
Ayon sa kanya, ipapakita ng pre-trial order ang daloy ng mismong paglilitis na magsisimula sa darating na Lunes.
“Kaya hinihintay natin ang magiging aksyon ng impeachment court sa kanilang ilalabas na pre-trial order dahil iyon ang magiging gabay kung ano ang magiging daloy ng aktuwal na paglilitis sa Hulyo 6,” aniya.
Dagdag pa niya, makikita rin sa ilalabas na kautusan kung paano tutugunan ng korte ang mga kahilingan at isyung iniharap at napag-usapan ng prosekusyon at ng depensa ng Bise Presidente sa nagdaang pre-trial conference.
“Dito kasi magbabase ang kabuuang buod ng mga napag-usapan sa pre-trial conference at kung ano ang magiging aksyon ng Korte hinggil sa mga kahilingan ng House prosecution panel,” dagdag niya.
Nagbigay rin si Alonto Adiong ng mga halimbawa ng mga isyung inaasahang pagdedesisyunan ng impeachment court.
Kabilang dito, aniya, ang pagbubukas ng selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga rekord sa buwis ng Bise Presidente at ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng wika sa impeachment trial.
“Halimbawa, bukod sa mga komento natin sa napag-usapan sa pre-trial conference, may mga kahilingan din tayo na inaasahang aaksyunan ng korte, tulad ng pagbubukas ng BIR box. Pangalawa, ang paggamit ng Filipino at Tagalog bilang midyum sa pagsasagawa ng impeachment trial na ito,” aniya.
Muling iginiit ni Alonto Adiong na sa oras na mailabas ang pre-trial order, malalaman ng dalawang panig at ng publiko kung alin sa mga isyu ang nalutas bago ang pagsisimula ng paglilitis sa Lunes.
“Sinasabi ko nga na hinihintay natin kung ano ang magiging pre-trial order at kung ano ang nakasaad dito—kung ang mga kahilingan ng prosekusyon at ng depensa ay naresolba na ng korte. Doon natin ito malalaman,” ani Alonto Adiong.
