Gatchalian1 Senate President Sherwin Gatchalian

Gatchalian nanawagang pabilisin responsableng infra spending

31 Views

HINIMOK ni Senate President Sherwin Gatchalian ang executive department na pabilisin ang responsableng paggasta para sa imprastraktura sa ikalawang bahagi ng taon matapos bumagsak ng higit kalahati ang infrastructure spending noong Abril.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan matapos ipakita ang datos ng Department of Budget and Management na bumaba ng 51.7 percent year-on-year ang infrastructure spending sa P41.5 bilyon noong Abril.

Ito na ang ikaapat na sunod na buwan ng pagbaba sa infrastructure spending, na nagpatuloy mula nang lumutang ang flood-control corruption scandal noong ikalawang bahagi ng 2025.

Kailangang makahabol ang pamahalaan sa paggasta para sa imprastraktura dahil ang public works at capital outlays ay nakatutulong sa paglikha ng trabaho, pagpapagalaw ng lokal na ekonomiya at pagpapaunlad ng mga komunidad.

“Itong infrastructure spending ang may pinakamalaking multiplier effect para sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya.

Kung nade-delay ang mga mahahalagang infrastructure projects ng bansa, nade-delay din ang pagkakataon nating makapagbigay ng trabaho sa ating mga kababayan,” ani Gatchalian.

Ayon sa Senate President, ang pagkaantala ng malalaking infrastructure projects ay nangangahulugan din ng pagkaantala ng trabaho at lokal na pag-unlad na kaugnay ng mga kalsada, tulay, flood-control works at iba pang pasilidad ng gobyerno.

Kailangan pa rin ang budget review at mga panseguridad laban sa korapsyon, lalo na matapos ang mga kontrobersiyang kinasangkutan ng ilang infrastructure projects.

Sinabi niya na hindi dapat mapahinto ng mga prosesong ito ang infrastructure program ng bansa o maantala ang mga legal at kinakailangang proyekto.

Kailangan ang mas mabilis na paggasta para sa public works at capital outlays habang sinusubukan ng pamahalaan na tulungan ang ekonomiya na makabawi mula sa mas mabagal na paglago noong unang quarter ng taon, sabi ng senador.