Socmed Source: FB

Pagsusuri sa epekto ng socmed sa mga bata hiniling

37 Views

NAGHAIN si Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ng resolusyon na humihiling ng Senate inquiry sa epekto ng social media sa mga batang Pilipino, kabilang ang online risks, sobrang screen time at posibleng kaugnayan sa harmful behavior ng minors.

Sa Senate Resolution No. 486, hiniling ni Sotto na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang mga hakbang na mas makapagpoprotekta sa digital well-being ng mga bata.

Dapat munang magsagawa ang Kongreso ng masusing pag-aaral sa umiiral na mga batas, aktuwal na pattern ng paggamit ng social media ng mga batang Pilipino, at kapasidad ng pamahalaan na ipatupad ang mga posibleng regulasyon bago ikonsidera ang mabibigat na hakbang gaya ng social media ban.

Titingnan sa panukalang inquiry ang epekto ng sobrang screen time at exposure sa harmful online content sa mental health, kaligtasan, moral development at kabuuang kapakanan ng mga bata.

Tinukoy ni Sotto na bagama’t pinalawak ng teknolohiya ang oportunidad para sa pag-aaral, komunikasyon, at creativity, nalalantad din ang mga bata sa cyberbullying, online sexual exploitation, grooming, self-harm content, misinformation at gambling-related materials.

Binanggit din sa resolusyon ang mga pag-aaral na nag-uugnay sa sobrang screen time ng mga bata at adolescents sa mas mataas na kaso ng anxiety, depression, sleep disorders, at iba pang mental health concerns.

Tinukoy din sa resolusyon na ilang bansa, kabilang ang Australia, Indonesia, Malaysia, at Portugal, ang nagpataw na ng restrictions sa access ng minors sa social media, habang ang iba ay pinag-aaralan pa ang kaparehong hakbang.

Layunin ng resolusyon na magkaroon ng balanse sa pagitan ng access ng mga bata sa teknolohiya at impormasyon at ng tungkulin ng Estado na protektahan ang kanilang kapakanan at development.