Adiong

Senate impeachment court dapat ibasura ang hiling ni VP Sara, hindi ang trial — Adiong

Mar Rodriguez Jul 1, 2026
37 Views

BINIGYANG DIIN ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na dapat ibasura ng Senate impeachment court ang kahilingan ni Vice President Sara Z. Duterte na ibasura ang impeachment case na isinampa laban sa kaniya.

Ayon kay Adiong, sa halip na ibasura ay dapat ituloy ang paglilitis laban sa Pangalawang Pangulo kung saan maaaring isalang ng prosekusyon at depensa ang kanilang mga katibayan sa harap ng mga Senatoe-Judges at ng mamamayang Pilipino.

Sinabi din ni Adiong na malinaw ang tungkuling iniatang ng Konstitusyon sa Senado kapag nakarating na sa kanilang kapulungan ang mga artikulo ng impeachment.

“Well, it’s already an established fact that under the Constitution, the Senate’s mandate is to try and decide, ibig sabihin, kailangang magkaroon ng oras para sa tamang paglilitis at para sa pagsusuri ng mga katibayan at testimonya ng mga saksi para sa cross-examination ng magkabilang panig,” ang pahayag ni Adiong.

Magugunitang bumoto ang Kamara de Representantes ng 257-25 at may siyam ang nag-abstain upang i-impeach si Duterte noong nakaraang Mayo 11 dahil sa mga akusasyon kabilang dito ang hindi maipaliwanag na kayamanan at mga banta laban kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Pagkatapos nito, dinala ang naturang kaso sa Senado para sa gagawing paglilitis. Isinasaad sa 1987 Konstitusyon na ang Senado ang may “tanging kapangyarihang maglitis at magpasya sa lahat ng kaso ng impeachment” kung saan kinakailangan ang pagsang-ayon ng dalawang-katlo (2/3) ng lahat ng senador para sa pagpaparusa.

Iginigiit ng kongresista na ang isinasaad ng Konstitusyon ay hindi sumusuporta sa pagpapatigil ng kaso bago pa man mailahad ang mga katibayan sa Senate impeachment court.

“Di po talagang sakto doon sa sinasabi ng Constitution na maaaring i-dismiss outright ng Senado ang kaso or articles of impeachment,” ani libo-libo

Tinapos ng Senate impeachment court ang mga pre-trial proceeding noong nakaraang linggo, mula Hunyo 18 hanggang Hunyo 25, kung saan libo-libong dokumentaryong katibayan ang paunang namarkahan. Nakatakdang magsimula ang mismong paglilitis sa Hulyo 6.

Sinabi pa ng Muslim solon na kinilala na ng kampo ng Pangalawang Pangulo ang hurisdiksyon ng Senado sa pamamagitan ng paghahain ng mga pleading sa harap ng impeachment court.

Ipinagpalagay ni Adiong na dapat nang direktang sagutin ng depensa ang mga artikulo ng impeachment, partikular na ang mga may kinalaman sa confidential funds at ang mga sinasabing iregularidad sa mga pangalang nakatala sa mga acknowledgment receipt, sa halip na umasa lamang sa mga teknikal o pamamaraang pagtutol.

Naghain ng sagot ang kampo ni Duterte noong Hunyo 1 na humihiling sa Senate impeachment court na ibasura ang kaso. Ginamit ng kanyang mga abogado ang katwiran ng kalayaan sa pagpapahayag (freedom of expression), ang pagiging kumpidensyal ng mga rekord sa bangko at mga ulat ng Anti-Money Laundering Council, at ang sinasabing kawalan ng sapat na katibayan sa pagtugon sa apat na artikulo ng impeachment.