Pic

Hontiveros kinuwestiyon ang gaming platforms sa batang pinaghubad umano online

31 Views

ANG insidente ng isang batang pinaghubad umano habang gumagamit ng online gaming platform ang naging isa sa mahahalagang puntong tinutukan ni Senator Risa Hontiveros sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa Roblox at iba pang digital spaces kung saan maaaring malantad ang mga menor de edad sa pang-aabuso at pagsasamantala.

Kinuwestiyon ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, kung paano nangyari ang ganitong insidente sa isang platform na ginagamit ng mga bata at kung anu-anong safeguards ang nakalatag upang maiwasan ang mapanganib na interaction sa mga menor de edad sa pamamagitan ng games, avatars, chat boxes at private messages.

Tinalakay sa pagdinig ang kaligtasan ng mga batang gumagamit ng Roblox at iba pang online gaming platforms sa gitna ng pangambang ang ilang digital spaces ay maaaring magamit upang manipulahin, i-groom o pagsamantalahan ang mga bata.

Pinagpaliwanag ng senadora ang mga kinauukulan tungkol sa age verification, parental controls, content moderation, reporting systems at pananagutan ng platform operators kapag may mapanganib na interaction na nangyayari sa loob o sa pamamagitan ng kanilang serbisyo.

Sakop din ng imbestigasyon ang mas malawak na online environment kung saan ang usapang nagsisimula sa games ay maaaring lumipat sa private messaging apps, bagay na nagpapahirap sa mga magulang, paaralan at awtoridad na matukoy ang posibleng pang-aabuso bago ito lumala.

Nilinaw ni Hontiveros na hindi layunin ng pagdinig na ipagbawal ang video games. Ang layunin ay alamin kung sapat ang umiiral na safeguards upang protektahan ang mga bata laban sa exploitation at harmful content.

Sinusuri rin ng komite kung sapat ang kasalukuyang batas para mapilit ang gaming platforms, kabilang ang foreign-based operators at developers, na makipagtulungan sa mga awtoridad ng Pilipinas kapag mga batang Pilipino ang sangkot.

Dumating ang pagdinig kasunod ng panibagong pangamba ng publiko sa violent online content at posibleng impluwensiya ng online communities sa mga menor de edad, matapos ang pamamaril noong June 22 sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Gayunman, iniwasan ng mga mambabatas na gawing simpleng konklusyon na video games lamang ang sanhi ng karahasan sa totoong buhay. Nakatuon ang pagdinig ng Senado sa child protection, platform accountability at panganib ng hindi nababantayang online interaction.

Para kay Hontiveros, ang pangunahing tanong ay kung maaari bang magpatuloy ang operasyon ng digital platforms na ginagamit ng mga bata nang walang mas mahigpit na safeguards, lalo na kung ang isang menor de edad ay maaaring malantad sa sexualized instructions, exploitation attempts o violent communities sa mga espasyong ipinapakilala bilang games.

Inaasahang pag-aaralan ng komite ang mas mahigpit na age checks, mas mabilis na reporting at takedown systems, mas malinaw na patakaran sa adult-minor interaction, at mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga magulang, paaralan, law enforcement agencies at online platforms.