Bonoan

Bonoan di iniugnay si Romualdez sa mga ‘anomalya’ sa mga flood control projects

39 Views

HINDI iniugnay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan si dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga umano’y anomalya sa mga flood control project, ayon sa tagapagsalita ng kongresista nitong Huwebes.

Sinabi rin ni Atty. Ade Fajardo na si Bonoan mismo ang malalim na nasangkot sa mga proyekto sa flood control.

Inilarawan ni Fajardo si Bonoan bilang “hindi ang may pinakamagaan na pananagutan,” at nagpahayag ng pagtataka kung bakit tinatanggap siya ng Office of the Ombudsman bilang state witness.

Aniya, sa halip ay dapat pang isauli ni Bonoan sa kaban ng bayan ang P1 bilyong umano’y kickback mula sa mga flood control project na sinasabing natanggap nito, batay sa pahayag ni dating DPWH Undersecretary na naging state witness na si Roberto Bernardo.

Hindi iniugnay ni dating Kalihim Bonoan si dating Speaker Romualdez sa mga anomalya sa flood control – tagapagsalita ni Rep. Romualdez

Kasabay nito, muling iginiit ni Fajardo na walang naging papel si Romualdez sa pagpopondo, pagpili, at pagpapatupad ng mga flood control project dahil ang lahat ng ito ay nasa kontrol ng Ehekutibong Sangay ng pamahalaan. Aniya, handa rin ang dating Speaker na harapin ang anumang kasong maaaring isampa laban sa kanya ng Ombudsman.

Sinabi niyang ikinababahala niya ang mga kamakailang pahayag ng Ombudsman na balak nitong gamitin ang testimonya ni Bonoan upang patunayan ang umano’y pagkakasangkot ng dating lider ng Kamara sa mga iregularidad sa flood control.

“Lubhang nakakabahala, it’s very alarming. Because even way before these events… ay hindi po nababanggit si Cong. Martin Romualdez ni dating Sec. Manuel Bonoan,” ani Fajardo.

Ayon sa kanya, hindi rin binanggit ng dating kalihim ng DPWH ang pangalan ng dating Speaker sa isinumite nitong salaysay sa Independent Commission on Infrastructure (ICI), na nagsiyasat sa umano’y flood control scam.

Ngunit ngayon, aniya, bigla na lamang umanong handa si Bonoan na idawit ang kongresista mula Leyte.

“Even sa submission niya sa ICI, wala pong banggit na papel na ginampanan si dating Speaker Martin Romualdez dito sa flood control issue. Then all of a sudden, parang walang kaso, walang ebidensya, walang patunay sa kanyang supposed role dito sa flood control project, ay nandito, nababanggit na ang kanyang pangalan,” diin ni Fajardo.

Itinuro rin niya na mahigit isang taon na ang lumipas mula nang pumutok ang iskandalo sa flood control, ngayon lamang umano idinadawit ni Bonoan si Romualdez.

“Nakakabahala na isang taon na ang nakalipas at ngayon lang niya babanggitin for the first time para lang sabihin at ma-discharge siya, mabigyan siya ng immunity, hindi na siya makukulong dahil sasabihin lang niya ang magic words na Martin Romualdez,” aniya.

Binanggit din ni Fajardo ang naging pahayag ni dating Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Panfilo Lacson na dapat isauli ni Bonoan sa gobyerno ang P1 bilyon.

“Hindi po magandang pangitain ‘yan, especially since even Sen. Ping Lacson has said at least P1 billion, as mentioned by former Undersecretary Bernardo, ang napunta at dapat i-restitute, isauli ni former Sec. Bonoan sa kaban ng bayan,” aniya.

Binigyang-diin ni Fajardo na mahihirapan ang Ombudsman na tanggapin o gawing state witness si Bonoan.

Aniya, “nagsespekula lamang o nanghuhula” ang dating kalihim tungkol sa umano’y papel ni Romualdez sa flood control scam upang mailigtas ang sarili.

Dagdag pa niya, ang pagtatangkang iugnay si Romualdez sa iskandalo ay para bigyang-kredibilidad ang sinasabing may sangkot na “big fish,” dahil kamag-anak ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Puro speculation, hula-hula po, kasi napakadali… parang napaka-convenient na sisihin si dating Speaker Romualdez because precisely it’s common knowledge na kamag-anak niya ang nakaupong Pangulo ng Pilipinas ngayon,” ani Fajardo.

“So parang it’s a popular position to take, name someone supposedly or they think very close to the official family para lang magkaroon ng credibility o ang sinasabi nilang ‘big fish’,” dagdag pa niya.

Ayon kay Fajardo, malinaw ang layunin ni Bonoan sa umano’y pagtatangkang iugnay si Romualdez sa usapin.

“Nakakabahala po ‘yan at dahil ang supposedly sa sasabihin niyang pangalan ni former Speaker Martin Romualdez, ay ngayon all of a sudden mawawalan na siya ng sala dahil hindi na siya ipo-prosecute to the fullest extent of the law for his, may I say, major participation in the flood control issues and the flood control anomalies,” aniya.

“But it just underscores the fact na talagang hindi siya least guilty dito. His participation was direct and repeated for several times when he was secretary for several years in the DPWH. Kaya pakiramdam namin dito, dahil sa walang ebidensya po laban kay dating Speaker Martin Romualdez, ngayon ay lumalabas itong mga supposedly planned testimony of the former secretary,” dagdag niya.

Sa kabila nito, sinabi ni Fajardo na handa si Romualdez, gaya ng dati, na harapin ang anumang kasong maaaring isampa laban sa kanya kahit wala umanong ebidensya.

“In fact, handa po kami sa mga susunod na proceedings, whether or not this will proceed actually to court cases. But as of this time, we can say confidently na talagang wala pong ebidensya na maipipresenta. Kaya kung anu-ano na lang ang mga reports tulad nitong belated statement, supposedly, from former Sec. Bonoan,” diin niya.

“Wala pong attempt, wala pong kaisipan ang ating former Speaker na tumakas sa obligasyon o pananagutan kung meron man… He has always maintained there is no such anomalous transaction to back up the allegations against him,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ng abogado na nakalulungkot na sinusubukang kunin ang testimonya ng aniya’y “pinakamaruming pinagmumulan ng impormasyon.”

“Nakakalungkot po na humantong tayo sa ganitong pagkakataon na we will elicit supposed testimony not from an innocent person but from the most polluted source that you can possibly elicit it from,” pagtatapos ni Fajardo.