Rep. Barbers

Kaso ni Sen. Marcoleta, VP Sara impeachment ‘tubig at langis’–Barbers

Mar Rodriguez Jul 2, 2026
38 Views

MISTULANG “tubig at langis” na hindi maaaring pagsamahin ang kasong nakatakdang isampa ng Office of the Ombudsman kay Sen. Rodante Marcoleta at ang nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, spokesperson ng House Prosecution panel at adviser sa impeachment trial.

Pinalagan din ni Barbers ang mga alegasyon na ang kaso laban kay Marcoleta ay bahagi ng isang planadong hakbang upang mapigilan ang Senador na lumahok sa mga proseso ng impeachment.

Ang mga legal na isyung kinakaharap ni Marcoleta ay nag-ugat sa mga bagay na walang kinalaman sa kaso ng impeachment.

Ayon kay Barbers, nilinaw ng Ombudsman na ang reklamo laban kay Marcoleta ay nagmula sa pag-amin ng senador na tumanggap siya ng P75 milyon mula sa tatlong “kaibigan” bilang pondo sa kampanya ngunit bigo umanong ideklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong midterm elections noong Mayo 2025.

Ipinaliwanag ng dating kongresista na umakto lamang ang Ombudsman sa impormasyong isinapubliko mismo ni Marcoleta hinggil sa pondo sa kampanya na inamin nitong tinanggap noong siya ay kinatawan pa ng Sagip Party List sa Kongreso.

Ang sariling mga pahayag ni Marcoleta ang nag-udyok sa aksyon ng anti-graft body, kaya naman ang mga legal na proseso ay isang hiwalay na usapin na dapat gumulong nang mag-isa anuman ang mga pampulitikang kaganapan, ayon kay Barbers.

Idiniin ni Barbers na ang pag-uugnay sa legal na suliranin ni Marcoleta sa gaganaping impeachment trial ay espekulasyon lamang at walang batayan sa mga katotohanang inilatag ng mga nag-iimbestigang awtoridad.

Ayon kay Barbers, ang mga aksyon ng Ombudsman ay nakabatay sa impormasyong nailagay na sa pampublikong rekord ng senador mismo.

Muli nitong inulit na ang mga proseso ng impeachment sa Senado na kinasasangkutan ni Pangalawang Pangulo Duterte ay hindi dapat ihalo sa mga legal na isyung kinakaharap ng mga indibidwal na senador.