Tulfo1

Tulfo nanawagan na PH magkaroon ng sariling oil reserve

36 Views

KINUWESTYON ni Senador Erwin Tulfo ang Department of Energy sa estado ng mga panukalang magtayo ng oil reserve storage facilities sa Pilipinas, kasabay ng panawagan na magkaroon ang bansa ng sariling storage capacity sakaling magkaroon ng aberya sa suplay.

Inihayag ni Tulfo ang usapin sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, kung saan tinanong niya si DOE Secretary Sharon Garin tungkol sa naunang pakikipag-usap sa gobyerno ng United Arab Emirates at iba pang interesadong tumulong sa bansa na magtayo ng facilities para sa oil reserves.

Sinabi ni Tulfo na una nang nag-alok ang panig ng UAE na tumulong sa pagtatayo ng pasilidad kung saan maaaring mag-imbak ng reserves ang Pilipinas.

Ayon kay Garin, nagpapatuloy ang pag-uusap sa Aramco, ADNOC at Japanese parties, habang pinag-aaralan ng pamahalaan ang ilang posibleng business models para sa proyekto.

Sinabi niya na isang opsyon ang pagtatayo ng sariling tanks ng Pilipinas, habang maaari ring magkaroon ng kasunduan sa mga kumpanyang maaaring umupa ng storage capacity o tumulong sa pagtatayo ng pasilidad.

“There could be several parts of this project. I think one thing for sure, we need our own proper tanks also,” ani Garin.

Sinabi ni Garin na kailangang tiyakin ng pamahalaan na may sariling storage facilities ang bansa para sa national security.

“But one thing is I think we need to make sure that we have to have our own just for national security, Mr. Chair,” ani Garin.

Tinanong ni Tulfo kung kailan maisasakatuparan ang proyekto, at sinabing makatutulong ang oil reserve storage upang makapaghanda ang bansa kung may panibagong sigalot na makaaapekto sa suplay mula sa Middle East.

“Kailan po kaya marirealize, kailan po kaya maumpisahan yung construction nito para kung saka-sakaling magkagulo na naman po sa Middle East na tayo po independent talaga diyan. Eh meron na po tayong paghuhugutan,” ani Tulfo.

Sinabi ni Garin na ang one-million-barrel storage facility ay maaaring palakihin sa paglipas ng panahon at maaaring abutin ng halos isang taon ang construction, bukod pa sa permitting, environmental at importation requirements.

“Mga one year siguro, Mr. Chair. So within this administration, one year construction plus the permitting and everything that we have to do with DENR, mga importation, mga ganun siguro within this administration, Mr. Chair,” ani Garin.

Tinanong ni Tulfo kung maaaring maitayo ang pasilidad bago ang 2028.

“Yes sir, that’s the plan actually. We’re actually doing the calendars in the hopefully last quarter of 27 or first quarter of 28,” sagot ni Garin.

Ang palitan ay naganap habang nire-review ng mga senador ang mga panukalang palakasin ang oil reserve at storage capacity ng bansa.