Morente

Norwegian ‘pedophile’ nasakote ng BI

Jun I Legaspi Feb 14, 2022
395 Views

INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa isang umano’y Norwegian pedophile na wanted ng mga awtoridad sa Oslo dahil sa sexually molesting menor de edad.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang dayuhan na si Alexander Calapini-Solberg, 53-anyos, na naaresto noong Lunes sa Brgy. 48-A Cabunggaan, Laoag City, Ilocos Norte ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng bureau.

Inilarawan ni Morente si Solberg bilang isang high-profile fugitive na pinaghahanap sa Norway dahil sa sunod-sunod na kaso ng sex offense na isinampa laban sa kanya sa korte.

“Ipapatapon natin siya dahil sa pagiging undesirable alien. Ang kanyang patuloy na presensya sa bansa ay nagdudulot ng seryosong banta sa ating mga anak na Pilipino, sinuman sa kanila ay maaaring maging susunod niyang biktima,” sabi ni Morente sa isang pahayag.

Sinabi ng BI chief na naglabas siya ng mission order para sa pag-aresto kay Solberg sa kahilingan ng mga awtoridad ng Norway, na nagpaalam sa bureau na ang huli ay isa nang undocumented alien dahil ang kanyang pasaporte ay binawi na ng gobyerno ng Oslo.

Ayon kay BI-FSU Rendel Ryan Sy, isang Interpol Red Notice ang inisyu kay Solberg noong Disyembre 2021 batay sa mga warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ng Folio Og Norde Ostfold District Court sa Norway.

Ang kanyang warrant ay batay sa hindi bababa sa 4 na bilang ng pangmomolestiya sa mga bata sa paulit-ulit na pagkakataon.

Kasalukuyang nakakulong si Solberg sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings.