Barbers1

Senate impeachment trial, game na! -Barbers

Mar Rodriguez Jul 5, 2026
51 Views

GAME NA!

Ito ang sinabi ni dating Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace S. Barbers patunkol sa pag-arangkada o pagsisimula ng kontrobersiyal na Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Ipinahayag ni Barbers, spokesperson ng House prosecution panel, na nakahanda, matatag at nakatuon ang prosecution team sa paghaharap ng mga ebidensya sa Senate Impeachment Court sa pagbubukas ng paglilitis ni VP Duterte ngayong linggo.

Ayon kay Barbers, ang “Hulyo 6″ ang simula ng pormal na proseso at pampublikong paglalahad ng mga ebidensya alinsunod sa Saligang Batas. Ang mga rekord, mga testigo at ang due process at hindi ang ingay ng pulitika, ang dapat mangibabaw sa mga susunod na araw ng paglilitis.

“Hayaan nating ang katotohanan ay manggaling sa ebidensya, hindi sa propaganda. Hayaan nating ang batas ang manaig, hindi ang ingay ng pulitika,” sabi ni Barbers.

“Ang ingay may hangganan. Ang proseso at ebidensya may araw. July 6: ang unang araw tungo sa katotohanan,” dagdag ni Barbers, dating kongresista at gobernador ng Surigao del Norte.

“The start of trial on July 6 is not about noise. It is the beginning of the public hearing for truth and accountability. Let the process proceed,” dagdag nito.

Inilarawan ng dating kongresista ang linggong ito bilang “Linggo ng Ebidensya” kung saan ay dapat marinig ng sambayanang Pilipino ang kaso batay sa mga ebidensyang ihaharap sa hukuman.

“Bukas, bayan ang makikinig. Hindi na chismis. Ebidensya na. Tungkulin namin na iharap ang ebidensya sa impeachment court,” sabi pa ni Barbers.