Calendar
Barbers: Mga usaping legal, di mga testigo, aasahan sa unang araw ng trial ni VP Sara
“HINDI ito debate competition. Hindi rin ito paramihan ng soundbite. Ang tunay na sukatan ng kasong ito ay ang ebidensyang ihaharap at ang magiging pasya ng Impeachment Court batay sa Konstitusyon at sa mga katotohanan.”
Isang araw bago ang pagbubukas ng impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte, idiniin ito ni House impeachment adviser at tagapagsalita na si Robert Ace Barbers at pinaalala sa publiko na ang mga pagdinig sa Lunes ay pangunahing ilalaan sa mga usaping legal at pang-proseso, at wala pang mga testigong haharap sa witness stand.
“Dapat asahan ng sambayanang Pilipino na unang itatakda ng Senado bilang Impeachment Court ang legal na balangkas na magiging gabay sa buong paglilitis. Ganiyan nagsisimula ang anumang maayos na prosesong panghukuman,” ani Barbers nitong Linggo.
Ipinaliwanag niya na kabilang sa mga gagawin sa unang araw ang pagbubukas ng sesyon, pormal na pagharap ng mga abogado ng magkabilang panig, paghahain ng plea ng respondent, mga opening statement ng prosecution at depensa, at pagtalakay at pagresolba sa mga paunang usaping legal bago magsimula ang presentasyon ng mga ebidensya.
“Wala pa pong mga testigo bukas. Wala pang presentasyon ng ebidensya. Ang unang araw ay para tiyakin na malinaw ang mga patakaran at maayos ang magiging takbo ng paglilitis,” ani niya.
Sinabi ni Barbers na natapos na ng House prosecution panel ang lahat ng paghahanda at handa na itong iharap ang kanilang kaso sa sandaling umabot na ang paglilitis sa yugto ng presentasyon ng mga ebidensya.
“Handa na ang prosecution. Nakahanda ang aming mga ebidensya, nakahanda ang aming mga testigo, at nakahanda kaming sundin ang anumang procedural directions ng Impeachment Court,” aniya.
Binigyang-diin niya na hindi dapat sukatin ng publiko ang progreso ng paglilitis batay sa kung sino ang tila nanaig sa mga palitan ng legal na argumento sa unang araw.N
Hinimok din ng House adviser ang publiko na tingnan ang mga pagdinig sa Lunes bilang patunay na gumagana ang mga institusyong konstitusyonal ng bansa ayon sa kanilang layunin.
“Ang pinakamahalagang mangyayari bukas ay hindi kung sino ang mas mahusay magsalita. Ang pinakamahalaga ay magsisimula na ang constitutional process ng impeachment. Ito ang mekanismong itinakda ng ating Saligang Batas upang panagutin ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan kapag may seryosong alegasyon laban sa kanila,” aniya.
Tiniyak ni Barbers sa publiko na igagalang ng prosecution ang lahat ng magiging pasya ng Senado bilang Impeachment Court habang nananatiling nakatuon sa paglalahad ng mga ebidensyang sumusuporta sa Articles of Impeachment.
“Simple ang aming pangako: igalang ang Korte, itaguyod ang Saligang Batas, at iharap ang ebidensya sa isang maayos, patas, at malinaw na paglilitis. Hinihiling namin sa publiko na hayaang umusad ang proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita para sa sarili nito,” ani Barbers.

