Sara

Handa na Kamara sa ‘Linggo ng Ebidensya’ sa pagbubukas ng trial ni VP Sara — Barbers, Co,Adiong

52 Views

PAPASOK ang House prosecution panel sa pagbubukas ng impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte na handa, matatag, at nakatuon sa paglalahad ng ebidensya sa harap ng Senado bilang Impeachment Court ngayong linggo, ayon sa mga tagapagsalita ng paglilitis na sina Robert Ace Barbers, Renee Co, at Zia Alonto Adiong sa bisperas ng pagsisimula ng paglilitis.

Sinabi ni Barbers, impeachment adviser at dating chairman ng Quad Committee (Quad Comm), na ang Hulyo 6 ang simula ng opisyal na proseso at pampublikong paglalahad ng mga ebidensya sa ilalim ng Saligang Batas sa mga susunod na araw, kung saan ang mga rekord, mga testigo, at ang due process—at hindi ang ingay ng pulitika—ang dapat mangibabaw.

“Hayaan nating ang katotohanan ay manggaling sa ebidensya, hindi sa propaganda. Hayaan nating ang batas ang manaig, hindi ang ingay ng pulitika,” ani Barbers.

“Ang ingay ay may hangganan. Ang proseso at ebidensya ay may araw. Hulyo 6: ang unang araw tungo sa katotohanan,” dagdag pa ni Barbers, dating kongresista at gobernador ng Surigao del Norte. “Ang pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6 ay hindi tungkol sa ingay. Ito ang simula ng pampublikong pagdinig para sa katotohanan at pananagutan. Hayaan nating umusad ang proseso.”

Inilarawan niya ang linggong ito bilang “Linggo ng Ebidensya,” at sinabing ito ang panahon kung kailan maririnig ng mga Pilipino ang kaso batay sa mga ebidensyang ihaharap sa korte.

“Bukas, bayan ang makikinig. Hindi na tsismis. Ebidensya na. Tungkulin namin na iharap ang ebidensya sa impeachment court,” ani Barbers.

“Simple ang aming responsibilidad: iharap ang ebidensya, igalang ang due process, at hayaang gampanan ng impeachment court ang tungkulin nito sa ilalim ng Saligang Batas. Sa huli, ang ebidensya—at hindi ang ingay—ang dapat maging batayan ng magiging pasya,” dagdag niya.

Samantala, iginiit ni Co, House Assistant Minority Leader at kinatawan ng Kabataan Party-list, na ang tungkulin ng prosecution ay iharap ang mga ebidensya sa impeachment court alinsunod sa mga itinakdang proseso ng Konstitusyon.

“Bukas na ang araw. Hindi ito drama. Hindi ito pagtatakipan,” ani Co.

Binigyang-diin niya na iginagalang ng Kamara ang mga karapatan ng magkabilang panig at naniniwalang dapat hayaang umusad ang prosesong itinakda ng Konstitusyon.

“Bukas, ang proseso na ang dapat manaig. May karapatan ang depensa na sumagot. May karapatan ang bayan na malaman. Tapusin ang proseso. Huwag hadlangan,” aniya.

Ayon kay Co, ang impeachment trial ang tamang forum kung saan maihaharap ng prosecution at depensa ang kani-kanilang mga kaso sa harap ng mga senator-judge at ng sambayanang Pilipino.

“Ngayon, magsisimula na ang proseso at presentasyon ng mga ebidensya sa mga susunod na araw,” dagdag niya.

Sa kanyang panig, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na nananatiling nakatuon ang Kamara sa pagtupad sa tungkulin nito sa ilalim ng Saligang Batas at handa itong iharap ang kaso sa maayos at propesyonal na paraan.

“Ang aming paghahanda ay nakatuon sa ebidensya, sa mga testigo at sa proseso. Ang Impeachment Court ang tamang lugar para dinggin ang mga usaping ito, at handa kaming gampanan ang aming tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas,” ani Alonto Adiong, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Sinabi rin niya na ang bawat panig sa paglilitis ay may mga karapatang dapat igalang nang pantay-pantay sa ilalim ng Konstitusyon.

“Kung may sagot, sabihin sa trial. Kung may ebidensya, pakinggan. Kung may proseso, tapusin. Huwag hadlangan,” aniya.

Ipinaalala rin niya sa publiko na ang witness stand ay lugar para sa mga sinumpaang testimonya at hindi para sa retorikang pampulitika.

“Sa Hulyo 6, magsisimula nang makita ang opisyal na records at sa mga susunod na araw, mga testigo at proseso ang dapat magsalita,” ani Alonto Adiong.

Dagdag pa niya, ang impeachment court ang nararapat na lugar upang dinggin at resolbahin ang mga kasong isinampa.

“May karapatan din ang bayan na marinig ang ebidensya. Sa impeachment court dinidinig ang kaso,” aniya.

Sinabi rin niyang ang pagpapatuloy ng paglilitis ay nagsisilbi sa kapakanan ng katarungan at pananagutan.

“Karapatan ng bayan na marinig ang ebidensya. Karapatan ng depensa na sumagot. Tungkulin ng impeachment court na magpatuloy. Tapusin ang proseso. Huwag pigilan at guluhin ng diversionary tactics at fake news,” ani Alonto Adiong.