Calendar
Habulin ang Magnanakaw!: Anti corruption run isinagawa sa Ayala
KASABAY ng car-free Sunday sa Ayala, dose-dosenang mga jogger ang nagsagawa ngayong araw ng isang anti-corruption run upang ipanawagan ang pananagutan ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ayon kay Nica Dumlao, tagapag-ayos ng naturang aktibidad, “Halos dalawang taon nang naaantala ang mga mekanismo ng pananagutan kaugnay ng mga akusasyon laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Inaasahan naming bubuuin ng Senado ang impeachment court bukas. Panahon na upang ituloy ang proseso nang wala nang anumang pagkaantala.”
Si Dumlao, bilang bahagi ng Outrun Movement, ay tumulong din sa pag-organisa ng mga anti-corruption run mula Ayala hanggang Luneta noong idinaos ang Bahain ang Luneta noong Setyembre 21 at Nobyembre 30, 2025.
Nagtipon muna ang mga runner sa Bantayog ni Sultan Kudarat sa kanto ng Paseo de Roxas at Makati Avenue bago tumakbo patungo sa Bantayog ni Ninoy Aquino at pagkatapos ay sa kahabaan ng Ayala Avenue.
“Nais naming ipakita sa buong mundo na ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang antas ng lipunan, kabilang ang mga runner at mga mahilig sa fitness, ay nakamasid sa magiging takbo ng prosesong ito ng impeachment. Hinihikayat namin ang mga senator-judge na hayaang maiprisinta ang lahat ng ebidensya at marinig ang lahat ng testigo upang makita ng publiko. Hatulan ang Pangalawang Pangulo batay sa ebidensya. Huwag siyang pawalang-sala dahil lamang sa mga teknikalidad o hayagang pagkiling sa pulitika,” ani Dumlao.
Ilang kalahok ang nagsuot ng mga damit na nananawagan sa pagkondena sa Pangalawang Pangulo. May ilan ding namahagi ng mga sticker laban kay Sara Duterte, habang ang iba naman ay nagsuot ng mga damit na may pangkalahatang panawagan laban sa katiwalian at korapsyon.
Dagdag pa ni Dumlao, “Ang araw na ito ay panawagan din sa buong pamahalaan—mula sa Kongreso at Senado hanggang sa Ombudsman—na habulin ang lahat ng tiwaling opisyal ng gobyerno. Walang sinuman ang dapat makalusot sa pagnanakaw ng pera ng taumbayan. Sabay-sabay nating habulin ang mga magnanakaw! Ikulong na ‘yan! Mga kurakot!”

