Calendar
Sotto naghain ng reso para imbestigahan epekto ng social media sa mga bata
NAGHAIN si Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang epekto ng social media, labis na screen time at mapanganib na online content sa mga batang Pilipino.
Sa Senate Resolution No. 486, hiniling ni Sotto sa angkop na komite ng Senado na magsagawa ng inquiry in aid of legislation sa epekto ng digital platforms at online content sa mental health, kaligtasan, moral development, at kabuuang kapakanan ng mga bata.
Binanggit sa resolusyon ang pagkakalantad ng mga bata sa cyberbullying, online sexual exploitation, online grooming, marahas at pornographic content, misinformation, hate speech, self-harm content, gambling-related materials, at iba pang mapanganib na online content.
Ang online grooming ay ang proseso ng pagkuha ng tiwala ng bata online bago siya manipulahin o piliting gumawa ng mapanganib o mapagsamantalang bagay.
Ipinunto rin sa resolusyon ang labis na screen time at problematic social media use, batay sa mga pag-aaral sa iba’t-ibang bansa na nag-ugnay sa mga ito sa anxiety, depression, sleep disorders, attention deficits, social isolation, mababang academic performance, low self-esteem, at iba pang masamang epekto sa mental health ng mga bata at kabataan.
Tinukoy din sa resolusyon ang paggamit ng ilang digital platforms ng algorithm-driven recommendation systems, persuasive design features, at mga mekanismong nagpapahaba sa paggamit ng users sa kanilang serbisyo.
Kabilang dito ang mga feature na nagtutulak sa users na patuloy na manood, mag-scroll, mag-click, o bumalik sa isang app o site.
Ayon sa resolusyon, maaaring mahikayat ng ganitong features ang labis na paggamit, compulsive behavior, at digital dependency ng mga menor de edad.
Binanggit din nito ang mga pangambang inihayag ng mga magulang, guro, mental health professionals, child development experts, law enforcement authorities, at civil society groups sa hindi nasasala na pagkakalantad ng mga bata sa mapanganib na online influences.
May ilang bansa nang nagpatupad o nag-aaral ng mga polisiya sa age verification, parental controls, digital literacy, online safety standards, restrictions sa ilang social media features para sa minors, at accountability mechanisms para sa digital platforms, ayon sa resolusyon.
Binanggit nito ang nationwide social media ban ng Australia para sa mga batang wala pang 16-anyos, paghihigpit ng Portugal sa paggamit ng social media ng mga batang wala pang 16-anyos kung walang verified parental consent at pagbabawal nito sa mga batang wala pang 13-anyos, gayundin ang mga batas sa Malaysia at Indonesia na nagbabawal ng access para sa mga batang wala pang 16-anyos.
Dapat alamin ng Senate inquiry kung sapat ang umiiral na mga batas, polisiya, regulasyon, at enforcement mechanisms sa Pilipinas para protektahan ang mga bata laban sa labis na paggamit ng social media at mapanganib na online content.
Layunin ng inquiry na repasuhin ang umiiral na mga batas at magpanukala ng mga hakbang para palakasin ang child online protection, isulong ang responsible digital citizenship, tiyakin ang accountability ng digital platforms, pagbutihin ang parental at educational safeguards, at protektahan ang digital well-being ng mga batang Pilipino.

