Barbers1

Impeachment ni VP Sara dapat nakabatay sa ebidensiya

Mar Rodriguez Jul 6, 2026
41 Views

BINIGYANG DIIN ni impeachment adviser at dating Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace S. Barbers na ang impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte ay dapat nakabatay sa mga ilalatag na ebidensiya.

Iginigiit ni Barbers, spokesperson din ng House prosecution panel, na dapat ay nakabatay sa mga ebidensya at hindi sa bilang ng boto o pulitikal na kalkulasyon ang pagpapasya sa proseso ng impeachment laban kay Duterte.

“It’s not about political arithmetic. What is important is that ilatag muna yung ebidensya, pakinggan ng tao, ipakita sa tao, lahat po tayo,” ang pahayag ni Barbers.

Sinabi ni Barbers na dapat munang marinig at masuri ng publiko ang mga ebidensya bago bumuo ng anumang konklusyon hinggil sa mga paratang laban sa Bise Presidente.

“Because we can come up with our own conclusion on this issue. Because a lot of people are asking, totoo kaya?” sabi ng dating mambabatas.

Pormal ng binuksan ng Senate impeachment court ang paglilitis laban kay Duterte kaugnay sa kasong maaaring magtakda ng kinabukasang pampulitika ni Duterte, kabilang ang kanyang karapatang humawak ng pampublikong posisyon kung siya ay mahatulang nagkasala.

“And if this issue pops out all the time, then we’re not certain about where it’s going. So unless nakita natin na may ebidensya at mabigat ang mga ebidensya, both sa panig ng prosecution at sa panig ng defense, then tsaka natin balanse,” dagdag ni Barbers.

Ayon kay Barbers, malugod na tinatanggap ng prosekusyon ang paglalabas at paghaharap ng mga ebidensya sa bukas na paglilitis dahil ang mga dokumento at testimonya ang dapat magsalita para sa kanilang sarili.

“Yes, definitely. This is the time that the evidence should be released,” aniya.

Sinabi pa ni Barbers na layunin ng mga ebidensyang ihaharap ng prosekusyon na patunayan ang mga paratang na nakasaad sa Articles of Impeachment, habang bibigyan din ng pagkakataon ang depensa na magsumite ng sarili nitong mga kontra-ebidensya.

“The evidence must speak for itself, so to speak. Because this will prove that the allegations of the prosecution are confirmed by the evidence that was revealed,” ani Barbers.

Pagbibigay diin pa ni Barbers na magkakaroon ng pantay na pagkakataon ang magkabilang panig na iharap ang kanilang kaso sa impeachment court, at ang mga senator-judges ang magsusuri sa kani-kanilang ebidensya at mga argumento.

“The same is true for the defense panel. They will also provide their counter evidence so that they can rebut whatever allegations that are thrown to their client,” dagdag niya.