Calendar
Senador Francis “Chiz” Escudero
Kuha ni JOSEPH MUEGO
Conviction ni VP Sara kailangan ng 16 boto –Escudero
SINABI ni Senador Francis “Chiz” Escudero, ang nahalal na presiding officer ng impeachment court, na hindi maaaring ma-convict si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial kung walang botong pabor mula sa hindi bababa sa 16 senator-judges.
Binanggit ni Escudero ang constitutional requirement na kailangan ang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang magkaroon ng conviction sa impeachment trial.
Sinabi niya na dahil 24 ang miyembro ng Senado, sa literal na pagbasa sa Konstitusyon ay kailangan ang hindi bababa sa 16 boto para sa conviction.
Binanggit ni Escudero ang isang naunang ruling kaugnay ng botohan sa Senado noong 23 lamang ang incumbent senators matapos mahalal na Vice President ang noo’y Senador Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Escudero, sinabi sa naturang ruling na ang Senado ay binubuo ng 24 senador sa ilalim ng Konstitusyon at ang two-thirds ng 24, o hindi bababa sa 16 miyembro, ang tumutugon sa kinakailangang bilang ng boto.
“This is the prevailing law today. Whether we agree with it or not, we must abide by it,” ani Escudero.
Sinabi niya na maaaring humingi ng judicial relief ang sinumang hindi sang-ayon sa interpretasyon, at susunod ang impeachment court kung maglalabas ang Supreme Court ng ibang ruling sa usapin.
Tinalakay din ni Escudero ang quantum of proof sa trial, sinabing ang impeachment ay isang sui generis constitutional proceeding, o natatanging proseso na hindi mahigpit na sumusunod sa standards na ginagamit sa karaniwang administrative, civil o criminal cases.
Pero nilinaw niya na hindi ito nangangahulugan na maaaring magpasya ang senator-judges batay lamang sa kanilang konsensya.
Ayon kay Escudero, ang desisyon kung mag-a-acquit o magko-convict ay dapat nakabatay sa malinaw na paratang na suportado ng sufficiently clear and convincing evidence.
Sinabi ni Escudero na nasa prosecution ang burden of proof at hindi ito lilipat sa respondent.
“The burden of proof in these proceedings rests upon the prosecution. It does not and will not shift,” ani Escudero.
“The respondent is afforded the presumption of innocence and has no obligation to disprove the charges against her,” dagdag niya.
Sa rules ng trial, sinabi ni Escudero na magiging liberal ang pagpapatupad ng impeachment court upang mabigyan ng pagkakataon ang prosecutors na iharap ang kanilang kaso, ang respondent na kuwestiyunin ito, ang senator-judges na timbangin ang ebidensya, at ang publiko na marinig ang buo at walang kinikilingang katotohanan sa mga alegasyon.
Pero sinabi niya na hindi maaaring gamitin ang liberal application ng rules upang gulatin ang kabilang panig, laktawan ang due process, o magpasok ng hindi beripikadong ebidensya na makaaapekto sa patas at maayos na paglilitis.
“A liberal construction of the rules is not a license to ambush the opposing party, bypass due process, or introduce unverified evidence that would prejudice the fair and orderly conduct of this trial,” ani Escudero.
Sinabi ni Escudero na hindi binuo ang impeachment court upang itaguyod ang anumang political agenda o paglingkuran ang interes ng alinmang panig.
“Narito tayo upang alamin ang katotohanan at sa pamamagitan nito, mapairal ang hustisyang walang kinikilingan,” ani Escudero.
Pinaalalahanan niya ang senator-judges na ang kanilang sinumpaang tungkulin ay magbigay ng impartial justice alinsunod sa Konstitusyon at mga batas.
Inilatag ng pahayag ang posisyon ng impeachment court sa mahahalagang usapin sa trial bago ang presentasyon ng ebidensya sa impeachment case laban kay Duterte.

