Calendar
Barbers pinuri si Calilung
PINURI ni House prosecution panel at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers si National Bureau of Investigation (NBI) agent John Mark Calilung dahil sa pananatili ng katatagan nito at kapani-paniwala sa kabila ng masusing “cross-examination” ng defense panel sa Senate impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Binigyang diin ni Barbers na nabigo ang malawakang pagtatanong ng depensa na mapahina ang kredibilidad ni Calilung o ang nilalaman ng kanyang testimonya kaugnay ng mga paratang na grave threats.
Sa halip na tuloy-tuloy na nagbigay ang NBI agent ng malinaw, tuwiran at nakabatay sa ebidensyang mga sagot na lalo pang nagpatibay sa integridad ng isinagawang imbestigasyon ng NBI.
“Ipinakita ni Agent Calilung ang propesyonalismo, kahusayan, at kahinahunan sa buong pagdinig,” sabi ni Barbers.
Inaasahan na ng prosekusyon na masusing susubukin ng depensa ang kanilang mga testigo, ngunit iginiit niyang ang ganitong pagsusuri ay lalo lamang nagpakita ng tibay ng kanilang kaso.
Ayon kay Barbers, ang naging pagganap ni Calilung sa ilalim ng cross-examination ay nagpatunay sa kredibilidad ng mga ebidensyang iniharap sa Senado bilang impeachment court.
Muli ring iginiit ni Barbers na nananatiling nakatuon ang House prosecution panel sa patas, objective at makatarungang paghaharap ng kanilang kaso, nang may buong paggalang sa “due process.”
Binigyang diin nito na ang layunin ng prosekusyon ay hindi lamang makamit ang paborableng desisyon kundi tulungan ang impeachment court na makapagpasya batay lamang sa mga ebidensyang ihaharap.
Nanawagan din ang dating mambabatas sa publiko na patuloy na subaybayan ang mga pagdinig nang may mapanuring pag-iisip at hayaang umusad ang prosesong itinakda ng Konstitusyon.
Muling pinagtibay ng House prosecution panel ang kanilang paninindigan sa “rule of law” at sa Saligang Batas, at nagpahayag ng kumpiyansa na ang kanilang mga testigo at mga dokumentaryong ebidensya ay patuloy na makapasa sa pinakamataas na antas ng pagsusuring legal habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
