Adiong

Pag-amin na kumontrata si VP Sara ng hitman sapat na para ituring na nagkasala siya–Adiong

Mar Rodriguez Jul 8, 2026
27 Views

PARA kay House prosecution panel at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, sapat na ang pag-amin ng respondent na si Vice President Sara Duterte na kumontrata siya ng isang “hitman” para ituring ang kaniyang pagkakasala bilang paglabag sa tiwala ng publiko o mas kilala sa tawag na “betrayal of public trust.”

Iginiit ng House prosecution team na ang sariling pahayag ng Bise Presidente tungkol sa umano’y nakipagkasundo nito sa isang “tirador” o hitman upang patayin si Presidenf Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sakaling siya ay mapatay ay bumubuo ng paglabag sa tiwala ng publiko o betrayal of public trust na isa sa sa mga batayang Konstitusyonal para sa impeachment.

Ang pag-amin ay nagbubukas ng seryosong mga tanong tungkol sa inaasahang asal ng isang opisyal ng pamahalaan na nanumpang ipatupad at igalang ang batas.

“Kasi she is expected to uphold the law, she is expected to promote the rule of law that no one should take justice into their own hands,” dagdag pa ng kongresista.

Ayon kay Adiong, ang isang taong humahawak sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa ay dapat sana’y nag-ulat sa mga awtoridad tungkol sa umano’y pagkakaroon ng isang bayarang mamamatay-tao, sa halip na makipagkasundo rito.

Lumitaw ang usapin habang ipinagpapatuloy ng prosekusyon ang paghaharap ng mga ebidensya sa Senado na nakaupo bilang impeachment court kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na nag-aakusa kay Duterte ng paggawa ng grave threats laban kina Pangulong Marcos, Jr. First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Bilang suporta sa naturang paratang, iniharap ng prosekusyon si National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung na nagpatunay sa pagiging tunay ng online media briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kung saan nakapaloob ang mga umano’y banta.

Kinilala rin ni Calilung ang mga opisyal na pahayag na inilabas ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Security Council (NSC) at iba pang ahensya ng pamahalaan, na nagpapakitang ang mga pahayag ni Duterte ay nagbunsod ng mga security assessment at pormal na imbestigasyon.

Sinabi ni Adiong na ang layunin ng mga ebidensya ng prosekusyon ay hindi lamang patunayan ang pagiging tunay ng mga naitalang pahayag ni Duterte, kundi ipakita rin kung bakit itinuring ng mga ahensya ng gobyerno ang mga ito bilang isang usaping may malaking epekto sa pambansang seguridad.