Meralco

Hontiveros nanawagan ng no disconneciton policy para sa mga Meralco customers

31 Views

NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros ng “no disconnection” policy para sa mga customer ng Meralco na kumukuwestiyon sa biglang taas ng kanilang electricity bills na umano’y dulot ng maling meter readings, at sinabing hindi dapat piliting magbayad ang mga konsyumer ng contested charges para lamang hindi maputulan ng kuryente.

“Consumers who were erroneously charged should not be forced to pay disputed charges just to keep their lights on. Hindi nila kasalanan na mali ang meter reading. Hindi konsyumers ang dapat mag-adjust,” sabi ni Hontiveros.

Ginawa ng senadora ang panawagan kasunod ng mga reklamo mula sa mga konsyumer na nagsabing nakatanggap sila ng hindi karaniwang mataas na electricity bills dahil umano sa maling meter readings.

Sa isang iniulat na kaso, nasingil ang isang sambahayan para sa konsumo ng kuryente kahit naka-off ang circuit breakers nito habang nasa bakasyon ang pamilya. Kalaunan, kinilala ng Meralco na ang bill ay resulta ng pagkakamali ng meter reader, ayon sa statement ni Hontiveros.

Ayon sa statement, pinayuhan ng Energy Regulatory Commission ang mga kumukuwestiyon sa kanilang bills na magbayad pa rin under protest upang maiwasan ang disconnection habang iniimbestigahan ang kanilang reklamo.

“Bakit parang inuuna pa ang interes ng Meralco? Hindi naman siguro sila malulugi sa unpaid contested bills. Pero ang mga kababayan natin na di handa sa biglang lobo ng babayaran ay lalong mahihirapang magbudget,” sabi ni Hontiveros.

“Kung lehitimo ang dispute sa bill, hindi makatarungan na pilitin silang magbayad muna. Pwede pa sana nilang magamit ang pera sa iba pang pangangailangan sa buwan na iyan,” dagdag niya.

Sinabi ni Hontiveros na ginagarantiya ng Magna Carta for Residential Electricity Consumers ang karapatan sa accurate metering at nagbibigay ng remedies sa mga konsyumer upang kuwestiyunin ang maling bills, ngunit hindi nito malinaw na ipinagbabawal ang paniningil ng disputed amounts o disconnection habang nakabinbin ang billing dispute.

“ERC should do something about this. Mandato nila na pangalagaan ang kapakanan ng mga consumers. Dapat tiyakin nila na may mabilis, patas, at epektibong proseso sa pagresolba ng billing disputes, at hindi nalalagay sa alanganin ang mga konsyumer,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi niya na maghahain siya ng Senate resolution na mag-aatas sa Senate Committee on Energy na magsagawa ng inquiry, in aid of legislation, sa mga iniulat na kaso ng maling meter readings at billing disputes.

Layunin ng proposed inquiry na alamin ang lawak ng problema, repasuhin ang kasalukuyang consumer protection mechanisms at tukuyin ang mga reporma upang maprotektahan ang mga konsyumer laban sa hindi makatarungang billing practices.