Garin1

Prosecution panel: VP Sara papanagutin sa masamang asal, pagbabanta

Mar Rodriguez Jul 10, 2026
28 Views

GUSTO na tuldukan ng House prosecution panel ang kultura ng galit, murahan at pagbabanta na ipinunla ng Duterte leadership sa isip ng mga kabataan, lalo na sa mga estudyante.

Binigyang diin ng mga miyembro ng House prosecution team na nais nilang papanagutin ang respondent na si Vice President Sara Duterte bunsod ng ipinamalas nitong masamang asal tulad ng pagmumura, pagbabanta at iba pang masasamang asal na nasaksihan ng napakaraming kabataan.

Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, si Duterte ay hindi ordinaryong opisyal ng pamahalaan dahil siya ang pangalawang mataas na pinuno ng gobyerno kaya tungkulin niyang magpakita ng magandang halimbawa na tutularan ng mga kabataang Pilipino.

“Kaya kami po hindi lang po natin pinanagot dahil siya po ay bise presidente pero gusto rin po natin ipakita sa mga bata, sa mga kababayan natin na ganito po ay mali po,” paliwanag ni Chua.

Para kay Iloilo Rep. Janette Garin, nakakabahala ang masamang kultura na iniwan ng pamahalaang Duterte sa murang isipan ng mga kabataang estudyante sapagkat natunghayan nila sa telebisyon ang pagbibitiw nito ng mga “malulutong na mura,” kaliwa’t kanang pagbabanta at iba pang hindi magagandang salita na hindi nararapat mapanood ng mga kabataang Pilipino.

Ayon kay Garin, nakakabahala na umano na tila normal na umano ang pagbabanta sa Pilipinas na nagsimula noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Yung tanong, ito ba ay parang nagiging parte ng culture? Admittedly, as a mother, nakikita ko itong lumalaganap sa ating komunidad ngayon. At bakit? Dahil na ipakita noong mga nakaraang taon na normal lang na pagbantaan mo isang tao, which is wrong,” sabi ni Garin.