Calendar
Source: PCO
Gatchalian nanawagan sa LGUs na pabilisin paghanda ng evacuation centers
NANAWAGAN si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang paghahanda para sa bagyong Inday.
Dapat gawing aktibo ng mga local government unit ang contingency measures, magposisyon na ng relief goods, at tiyakin ang kahandaan ng evacuation centers para sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng bagyo.
“Mahalagang paigtingin natin ang ating paghahanda at tiyakin ang kaligtasan ng bawat pamilya. Dapat maging maagap ang ating pagkilos upang maiwasan ang mas malaking pinsala,” sabi ni Gatchalian.
Dapat saklaw ng disaster preparedness ang agarang pagtugon at ang ligtas na silungan para sa mga pamilyang napipilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan tuwing may sakuna, sabi ng senador.
Layunin ng isinusulong ng senador na Ligtas Pinoy Act na tugunan ang kakulangan sa nakalaang evacuation centers tuwing may bagyo, baha at iba pang sakuna.
Sa ilalim ng batas, kailangang magkaroon ng evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad, sa halip na umasa lamang sa mga paaralan, gymnasium at iba pang pansamantalang silungan tuwing may kalamidad.
Sinabi ni Gatchalian na P3.745 bilyon ang inilaan sa ilalim ng 2026 national budget para sa pagtatayo ng evacuation centers.
Sa ilalim ng Ligtas Pinoy Act, kung saan isa si Gatchalian sa mga may-akda, kailangang itayo ang evacuation centers na kayang tumagal sa lakas ng hangin ng bagyo na aabot sa 300 kilometro bawat oras.
Layunin ng pamantayang ito na matiyak na ligtas at magagamit pa rin ang evacuation centers sa panahon ng malalakas na bagyo.
Ayon kay Gatchalian, dapat sabayan ng pagtatayo ng disaster-resilient evacuation centers ang maagang paghahanda ng mga LGU, lalo na habang patuloy na napipilitang lumikas ang mga pamilya dahil sa bagyo at pagbaha.
