Ridon

Panibagong atake ni VP Sara pinabulaanan ng prosecution

Mar Rodriguez Jul 11, 2026
27 Views

PINABULAANAN ng mga miyembro ng House prosecution panel ang mga panibagong atake ni Vice President Sara Z. Duterte matapos nitong ipahayag na tila nalululong umano sa politika ang pamahalaan.

Pagbibigay diin ng House prosecutors na patuloy na tinututukan ng gobyerno ang mga usaping pang-ekonomiya at mga serbisyong publiko kahit nagpapatuloy ang impeachment trial sa Senado.

Tumugon ang mga prosecutor sa panawagan ni Duterte na itigil ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagsusulong ng kani-kanilang interes sa pulitika at sa halip ay pagtuunan ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagpapalakas ng ekonomiya at pagpapabuti ng serbisyo para sa mamamayan.

Sinabi ni Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon na hindi tama ang paglalarawan na nakatuon lamang sa pulitika ang pamahalaan dahil patuloy itong kumikilos upang tugunan ang mga suliraning pang-ekonomiya ng bansa.

“Hindi rin naman po ito totoo,” ayon kay Ridon.

Ayon kay Ridon, nagpapatupad pa rin ang pamahalaan ng iba’t ibang programa upang mapabuti ang buhay ng mga karaniwang Pilipino kabilang ang mga hakbang para itaas ang sahod sa iba’t ibang rehiyon at matiyak na nararamdaman ng mas maraming mamamayan ang benepisyo ng pag-unlad ng ekonomiya.

“Marami pong iba’t ibang interventions na ginagawa ng pamahalaan para tutukan ang iba’t ibang mga pang-ekonomikong usapin na kinakaharap ng ating bayan,” sabi ni Ridon.

Idinagdag ni Ridon na nagpapatuloy ang mga hakbang ng gobyerno upang itaas ang sahod sa iba’t ibang bahagi ng bansa at matiyak na ang pagiging “upper middle-income” ng Pilipinas ay may positibong epekto sa ordinaryong mamamayan.

“Hindi po totoo na consumed by politics lang po ‘yung ginagawa ng ating pamahalaan. May aktwal na pagtugon doon sa mga batayang usapin at tingin ko nakatutok po yung pamahalaan sa mga bagay po na ito,” dagdag ni Ridon.

Samantala, sinabi naman ni Manila Rep. Joel Chua na matagal nang naghihintay ang mga Pilipino na direktang sagutin ng Bise Presidente ang mga isyung ibinabato sa kanya sa halip na akusahan ang pamahalaan na namumulitika lamang.

“Matagal nang nag-aantay ang ating mga kababayan na maging mas maayos itong bansa. Matagal na rin pong nag-aantay ang ating mga kababayan na sagutin niya ang issue kung sino si Mary Grace Piattos,” ani Chua.

“Matagal na rin pong nag-aantay ang ating mga kababayan na siya po ay humarap at sagutin niya lahat ng mga alegasyon sa kanya sa impeachment,” dagdag pa ni Chua.