Ridon1

Mala-nuclear bomb na pasabog ng prosecution team kaabang-abang

Mar Rodriguez Jul 11, 2026
27 Views

KAABANG-ABANG ang susunod na pagdinig ng Senate impeachment court bunsod ng “mala-nuclear bomb” na pasabog ng House prosecution panel.

Ito ang ipinabatid at tiniyak ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette L. Garin patungkol sa mga posibleng kaganapan ng susunod na pagdinig ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Z. Duterte kaugnay sa Article 4 (grave threat) o ang pagbabanta laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Sa pananaw ko, next week will have more fireworks. Magiging exciting din yung next week,” ang pahayag ni Garin.

Bagama’t hindi inilahad o inilatag ni Garin ang detalye ng sinasabi nitong pasabog. Gayunman, kinumpirma ng Visayas Lady solon na ihaharap ng prosecution team ang kanilang witness na sina National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc, Legislative Security Bureau (LSB) Executive Director Belinda Bello at dating Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Zuleika Lopez.

Sinabi naman ni Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon na kung naging exciting para sa mamamayang Pilipino ang paglilitis ng Senate impeachment nitong nakalipas na linggo. Mas magiging kaabang-abang aniya ang paglilitis sa susunod na linggo.

“Ang totoo nasa exciting part na tayo hindi ba? Hindi pa exciting yun linggong ito? Kasi very visceral po yung video na nakita ho natin doon po sa paglalatag po ng unang witness pa lang hindi ba?,” sabi naman ni Ridon.

“So I’m quite certain as we go into confidential funds misuse, bribery and unexplained wealth which are basically the beating heart of the impeachment trial mas marami pa ho tayong matitisod at makikita na mga pasabog dito po sa paglilitis po na ito,” ayon pa kay Ridon.