Calendar
Dalagita nakuryente habang nagsasampay, 2 kapatid sumaklolo, dedo din
TATLONG magkakapatid ang nasawi matapos umanong makuryente sa loob ng kanilang inuupahang apartment sa Barangay Piñahan, Quezon City, Biyernes ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon, unang nakuryente ang 15-anyos na dalagita habang nagsasampay ng damit sa bakal na sampayan sa balkonahe. Sumaklolo umano ang kaniyang 12-anyos na kapatid na babae at ang kanilang 19-anyos na kuya, ngunit kapwa rin sila nakuryente.
Agad humingi ng tulong ang bunso nilang kapatid sa mga kapitbahay at isinugod ang tatlo sa East Avenue Medical Center, subalit idineklara silang dead on arrival dahil sa mga sugat at paltos sa katawan.
Sa isinagawang inspeksiyon ng Meralco, normal ang boltahe ng linya ngunit natuklasang grounded ang circuit breaker na nakakabit sa air-conditioning compressor, na posibleng pinagmulan ng insidente. Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang kaso.

