Calendar
Explosive magiging pahayag ni NBI chief Matibag sa impeachment trial
EXPLOSIVE na parang nuclear ang pasabog ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa susunod na pagdinig ng Senate impeachment trial kaugnay ng di-umano’y inupahang mamamatay-tao na binanggit ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr.
Inaasahang magbibigay ng mas detalyado at e𝘅plosibong testimonya sa Senate impeachment court sa Martes si Matibag kaugnay ng isinagawang imbestigasyon ng NBI sa umano’y pahayag ni VP Duterte na nag-utos siya sa isang mamamatay-tao na patayin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ayon kay Tolosa, iba ang magiging testimonya ni Matibag kumpara sa naunang testimonya nina NBI Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc na pangunahing humawak sa pagpapatunay o authentication ng kontrobersyal na video at sa cybercrime investigation.
Sa pagtestigo ni Lotoc, paulit-ulit na tinanong ng depensa kung ano pa ang mga hakbang na ginawa ng NBI upang matukoy ang sinasabing mamamatay-tao na binanggit ni Duterte sa kanyang Nobyembre 23, 2024 livestream.
Ipinaliwanag ng abogado na paulit-ulit ding ipinaliwanag ni Lotoc na ang mga tanong na iyon ay wala sa saklaw ng imbestigasyon ng Cybercrime Division at mas angkop na sagutin ng mga intelligence unit ng NBI.
“So dyan po papasok si NBI Director Melvin Matibag. Siya po ang makakapagbigay na linaw tungkol sa masusing investigation na ginawa ng NBI patungkol dito sa mamamatay-tao na kinausap ng bise presidente,” sabi ni Tolosa.
Binigyang-diin ng pribadong prosecutor na ang kaso ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV hinggil sa umano’y grave threats ay hindi nakasalalay sa pagpapatunay kung talagang may umiiral na mamamatay-tao o kung may aktuwal na planong pagpaslang.
Nakasentro ang reklamong impeachment sa umano’y pampublikong pagbabanta ni Duterte na ayon sa prosekusyon ay sapat nang batayan upang ituring na isang impeachable offense.
Ipagpapatuloy ng House prosecution panel ang paglalatag ng kanilang mga ebidensya sa Martes at inaasahang kabilang si Matibag sa mga susunod na testigo bilang suporta sa Article IV ng Articles of Impeachment, na nag-aakusa kay Vice President Duterte ng paggawa ng mga impeachable offense kaugnay ng umano’y matitinding pagbabanta laban sa Pangulo, Unang Ginang, at dating Speaker ng Kamara.

