Matibag2 Kuha ni JOSEPH MUEGO

MATIBAG TINANONG SA THREAT PROBE, INSIDENTE SA GSIS SA SARA TRIAL

100 Views

HUMARAP sa mga tanong ng senator-judges si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag tungkol sa umano’y banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa lawak ng imbestigasyon ng kawanihan at sa kanyang kredibilidad bilang prosecution witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa pagdinig noong Miyerkules, tinanong ni Senator-judge Imee Marcos si Matibag kung tiyak ba ang NBI na nakipag-ugnayan si Duterte sa isang tao upang ipapatay ang Pangulo.

Nilinaw ni Matibag na may natukoy na persons of interest ang kawanihan, ngunit hindi pa nito napapatunayang kumuha o nakipag-ugnayan si Duterte sa isang assassin.

Nanindigan naman siyang seryoso at nagpapatuloy ang umano’y banta dahil si Duterte mismo ang nagsalita sa publiko tungkol sa pagpapapatay kina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

“Only persons of interest lang po ang sinabi ko dahil may threat na po talaga sa Pangulong Marcos Jr. Sinabi po mismo ni VP Sara, no more, no less, papatayin at papapatay na niya,” sinabi ni Matibag.

Sinabi niyang hindi kailangang mahanap muna ang sinasabing assassin bago matukoy kung maaaring pumasok ang mga pahayag sa grave threats o inciting to sedition.

“Magkaiba po ang grave threat at inciting to sedition. Hindi kailangang mahanap ang assassin,” sinabi niya.

Dagdag ni Matibag, nasa Department of Justice na ang posibleng mga kasong grave threats at inciting to sedition.

Sinusuri rin umano ng mga imbestigador kung may ipinakikitang conspiracy ang mga pahayag nina Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

“It’s hard to prove than the crime itself,” sinabi niya tungkol sa conspiracy.

Binigyang-diin ni Matibag na hindi criminal proceeding ang impeachment. Ang usapin umano sa Senate impeachment court ay kung maituturing na betrayal of public trust ang ginawa ni Duterte.

Sinabi niyang bumuo ang NBI ng special task force dahil sangkot sa umano’y banta ang buhay at seguridad ng Pangulo.

Isinaalang-alang umano ng task force ang limang elemento, kabilang ang pagkakakilanlan ng mga posibleng sangkot at ang kakayahan nilang isagawa ang banta.

Tiningnan din umano ng mga imbestigador ang posibilidad na may sangkot na tauhan ng militar o pulisya dahil sa mga dating posisyon at koneksyon ni Duterte sa gobyerno.

Tinanong naman ni Senator-judge Loren Legarda kung paano nakipag-ugnayan ang NBI sa Presidential Security Group, National Security Council, militar at iba pang security agencies.

Kinumpirma ni Matibag na nakipag-ugnayan ang NBI sa PSG at iba pang security groups.

Sinabi niyang may aktibong koordinasyon sa Presidential Security Command at militar.

Tumanggi si Matibag na ilahad sa publiko ang ilang detalye dahil sensitibo ang impormasyon at may kinalaman sa seguridad ng Pangulo.

Tinanong naman ni Senator-judge Pia Cayetano si Matibag tungkol sa iniulat na presensya ng mga tauhan ng NBI sa GSIS compound noong magkaroon ng security incident malapit sa Senado.

Ipinaalala ni Cayetano kay Matibag na nasa ilalim siya ng panunumpa at sinabing sinusubok ng kanyang mga tanong ang talino at personal na kredibilidad nito.

Sinabi niyang hindi bababa sa dalawang tao ang nagkumpirmang nakakita ng mga tauhan ng NBI sa GSIS building.

Hinarap ni Cayetano si Matibag tungkol sa insidente at sa kanyang paliwanag kung bakit naroon ang mga tauhan ng kawanihan.

Sinabi ni Matibag na sa GSIS premises ipinuwesto ang mga tauhan ng NBI at hindi sa loob ng Senado.

Sinuri sa palitan ang kanyang paliwanag sa insidente, ngunit walang naging pasya ang impeachment court na may ginawang mali ang NBI.

Nakatuon ang mga tanong nina Marcos at Legarda sa kung ano na ang napatunayan ng NBI, ano ang patuloy pang iniimbestigahan at paano tumugon ang kawanihan sa umano’y banta.

Nanindigan si Matibag sa assessment ng NBI na kailangang tugunan ng gobyerno ang banta. Hindi niya sinabing napatunayan nang kumuha o nakipag-ugnayan si Duterte sa isang assassin.