Director - Atty. Melvin

Baste maaaring sampahan ng kasong inciting to sedition — Matibag

Mar Rodriguez Jul 22, 2026
109 Views

INIHAYAG ni National Bureau of Investigation (NBI) Director – Atty. Melvin Matibag na maaaring sampahan ng kasong grave threat at inciting to sedition si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte dahil sa pahayag na “ulo”.

Ginawa ni Matibag ang pahayag nitong Miyerkules bilang tugon sa mga tanong ni Senator-judge Panfilo Lacson na nagsabing kapwa nagbitiw sina Vice President Sara Z. Duterte at ang kanyang kapatid na alkalde ng mga pahayag na nagbabanta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Tinukoy ni Lacson ang magkahiwalay na pahayag ng magkapatid na Duterte na nagsasabing nais nila ang “ulo” ng Pangulo.

Sa isang rally sa Cebu noong Mayo, sinabi ni Mayor Duterte:

“Isang ulo lang ang gusto namin, ‘yung ulo ni Bongbong Marcos.”

Samantala, sa isang press conference noong Oktubre 2024, sinabi naman ni Vice President Duterte na naiisip niyang pugutan ng ulo ang Pangulo.

Makalipas ang isang buwan, sa isa pang online press conference, sinabi umano ng Bise Presidente na ipapapatay niya sina Pangulong Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at noo’y House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Ayon pa sa kanya noon, nakausap na niya ang isang tao na papatay sa tatlo at pumayag umano ito sa naturang plano.

Dahil dito, nagsampa na ang NBI sa Department of Justice (DOJ) ng mga reklamong grave threat at inciting to sedition laban kay Vice President Duterte.

Tinanong ni Lacson si Matibag kung bakit naimbestigahan ng NBI ang Bise Presidente ngunit hindi ang kanyang kapatid na alkalde.

Ipinaliwanag ni Matibag na ang pahayag ni Mayor Duterte ay kabilang na sa mas malawak na imbestigasyong isinasagawa ng **special task force** na kanyang binuo noong Abril upang siyasatin ang patuloy at aktibong mga banta laban kay Pangulong Marcos.

“Yun pong ginagawa naming imbestigasyon ay ito na po ‘yung threat na sinasabi naming pangmalawakan. Dito po kay Mayor Baste, kaya ‘di po namin inimbestigahan ay sinasama na po namin sa task force na ito… kasama po dito sa special task force,” ani Matibag.

Gayunman, sinabi niyang maaari ring humantong sa pagsasampa ng kasong grave threat at inciting to sedition laban kay Mayor Duterte.

“Eventually, we have an agreement within us na if we can establish that the elements for grave threat will be there, we are contemplating on filing a grave threat and inciting to sedition as well,” dagdag pa ni Matibag.

Sinabi rin ni Matibag kay Lacson na iniimbestigahan din ng NBI ang posibilidad na may sabwatan (conspiracy) sa likod ng mga banta laban sa Pangulo, na aniya ay nangangailangan ng masusing pagbuo ng kaso.

“Sapagkat ang isang dine-develop po namin dito na theory ay ‘yung sabwatan. At alam po natin na if we go to court using the theory of conspiracy, medyo mas mahirap po na ipasok na kaso, kaya it’s taking much time to develop the case,” paliwanag niya.

Nang tanungin naman ni Lacson kung ano ang naging dahilan ng pagbuo ng special task force ng NBI—kung ang pahayag ba ni Mayor Duterte o ni Vice President Duterte—sinabi ni Matibag na ang naging “trigger point” ay ang pahayag ni Mayor Duterte tungkol sa “ulo” ng Pangulo.

“Trigger point ay yung kay Mayor Baste. But prior to that, we are continually monitoring the threat, kasama po sa aming pag-uusap ‘yan. In fact, ‘yun pong aming reporting… as early as nung nag-assume ako nung February,” ani Matibag.

To God be the Glory