Calendar
Pekeng toyo, mantika, Magic Sarap naharang ng mga pulis sa Cebu
NAKUMPISKA ng mga pulis ang nasa P6.4 million na halaga ng pekeng ‘Magic Sarap’ seasoning, mantika at toyo, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Nakumpiska ang mga pekeng items ng mga elemento ng PNP Criminal Investigation and Detection Group Mandaue City Field Unit sa pamumuno ni Major Melvin Mangahas at CIDG Regional Field Unit 7 chief Colonel Rosell Encarnacion sa Brgy. Sto. Niño, Cebu City.
Doon nakumpiska ang P4.224 million na halaga ng counterfeit ‘Magic Sarap’ seasoning products.
Naaresto din ang 42-anyos na Chinese national na may alyas Jin, ayon sa report.
Nahaharap ang naarestong suspect sa kasong paglabag sa RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines), ayon kay PNP-CIDG director Major Gen. Robert Alexander A. Morico II.
“Because these batches have not undergone mandatory evaluation, the Food and Drugs Administration cannot guarantee their safety, quality, or sanitary manufacturing standards,” sabi ni Maj. Gen. Morico.
Sa operasyon ng CIDG Southern Leyte sa Brgy. Zone V, Poblacion, Sogod, Leyte, naaresto ang dalawang suspek na nagbebenta ng unregistered palm at refined na mantika at toyo na nagkakahalaga ng P2.244 million.
Nahaharap ang 2 suspek sa kasong paglabag sa RA 3720 (Food, Drug and Cosmetic Act).

