Pagbabago sa DA ipatutupad bago bitawan ni PBBM

157 Views

MARAMI umanong pagbabago sa Department of Agriculture (DA) na maipatutupad si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi basta magagawa ng isang kalihim.

Ito ang sagot ng Pangulo sa tanong kung bakit hindi pa ito magtalaga ng kalihim ng DA.

Ayon kay Marcos maraming isyu ang kailangang tugunan sa DA upang mapataas ang produksyon ng pagkain sa bansa at magawang abot-kaya ang presyo nito.

“There are things that a President can do that a secretary cannot, especially because precisely the reason that you gave. The problems are so difficult that it will take a president to change and turn it around,” sabi ng Pangulo.

Sa paglipas ng maraming taon, sinabi ni Marcos na nagpatong-patong na ang mga isyu sa DA na dapat na tugunan.

“Very deeply embedded ang mga problema natin sa agrikultura. Ito ay nangyari sa nakaraang napakaraming taon. Kaya’t hindi ganoon kabilis, hindi ganoon kadali na ibalik sa ating magandang sistema dati. Kaya’t I think I am still needed there,” ani Marcos.

Nauna ng iginiit ni Marcos ang pangangailangan na tulungan ang mga magsasaka upang tumaas ang kanilang kita kasabay ng pagpaparami ng produksyon ng pagkain sa bansa.