Calendar
14-ANYOS NA TOP STUDENT, ITINUTURING NA SUSPEK SA ATENEO DE ZAMBOANGA SHOOTING
ZAMBOANGA CITY — Isang 14-anyos na Grade 8 student na nangunguna sa kanyang klase ang kinilalang suspek sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga na ikinasawi ng dalawang estudyante, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).
Ayon kay DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla, nagpakamatay ang suspek, na tinukoy sa alyas na “MNJ,” gamit ang isang 9mm caliber pistol na pag-aari ng kanyang ama, isang Bureau of Customs officer sa lungsod.
Bago nito, binaril umano ng suspek ang isang 15-anyos na Grade 10 student na tinukoy sa alyas na “PDW.”
Dalawa pang estudyante ang nasugatan sa insidente. Isang 15-anyos na babaeng Grade 10 student ang tinamaan ng bala sa likod, habang isang 16-anyos na lalaking estudyante ang nahimatay at bumagsak sa sahig habang nagaganap ang pamamaril.
Sinabi ni PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na ito ang ikalawang shooting incident sa loob ng school compound ngayong taon.
Nauna rito, noong Hunyo 26, tatlong estudyante ang nasawi at 20 iba pa ang nasugatan sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, nakapagpasok umano ang suspek ng dalawang baril—isang .40 caliber semi-automatic pistol at isang 9mm pistol na pag-aari ng kanyang ama—nang ihatid siya nito sa paaralan gamit ang kanilang sasakyan.
Itinanggi naman ni Nartatez ang mga ulat na gumamit ang suspek ng rifle o long firearm. Aniya, maaaring napagkamalan lamang na rifle ang 9mm pistol na may Ronin conversion kit.
Narekober ng mga pulis ang dalawang baril at cellphone ng suspek, na kasalukuyang isinasailalim sa forensic examination.
Sinabi ng PNP na ginagamit umano ang cellphone sa pagli-livestream ng insidente.
Ayon kay Remulla, tumagal lamang nang humigit-kumulang dalawang minuto ang pamamaril at marami ang nabigla, kabilang ang mga security guard ng paaralan.
Itinanggi rin ng kalihim ang mga ulat na dalawang security guard ang napatay sa insidente.
May kabuuang 25 security guards ang Ateneo de Zamboanga, kung saan 15 ang naka-duty sa umaga at 10 naman sa gabi, ayon kay Remulla.
Ang mga estudyante, faculty member at bisita na dumadaan sa pedestrian gate lamang ang sumasailalim sa frisking at bag inspection.
Sa kaso ng suspek, sinabi ng DILG na ihinatid siya ng kanyang ama sa paaralan at nagtungo siya sa basement area kung saan wala nang karagdagang security check.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril, kabilang ang mga posibleng impluwensiya na nakita sa cellphone ng suspek.
Ayon kay Remulla, walang naitalang insidente ng bullying laban sa estudyante, na kilala bilang top student sa kanyang klase.
Gayunman, sinusuri pa rin ng mga awtoridad kung ano ang maaaring nag-trigger sa kanyang ginawa.

