Smartwatch

Pasahero nakuha muli naiwang smartwatch sa NAIA-T2

Jun I Legaspi Sep 11, 2026
11 Views

IPINAMALAS ng mga Security Screening Officers (SSO) ng Office for Transportation Security (OTS) ang katapatan at malasakit matapos matagpuan at maibalik ang isang smartwatch na naiwan ng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Setyembre 9, 2026.

Habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, napansin ni Baggage Inspector SSO Jose Rafanan II ang isang smartwatch na naiwan sa security screening checkpoint. Agad niya itong iniulat kina Checkpoint Supervisors (CPS) Rudy April Peregrino at Jetty Abarabar, na nagsagawa ng hakbang upang hanapin ang may-ari gamit ang airport paging system.

Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang isang pasaherong patungong Cebu sakay ng Philippine Airlines Flight PR 2861 at inangkin ang smartwatch. Matapos ang wastong beripikasyon ng pagmamay-ari, ibinalik ang nasabing gamit sa pasahero.

Nagpasalamat ang pasahero sa mga SSOs dahil sa kanilang maagap na aksyon at tapat na serbisyo.

Pinuri ni OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz ang mga tauhan dahil sa kanilang maagap na pag-secure ng smartwatch at sa pagsiguro na maibalik ito sa tunay na may-ari.

“Kapag may naiwang gamit ang pasahero, hindi lang ito basta bagay, mahalaga ito sa may-ari. Ang pagiging maingat at tapat ng ating personnel ay nagpapakita ng tunay na malasakit sa ating mga pasahero,” ani Usec. Cruz.

Ang tamang paghawak at pagbabalik ng smartwatch ay patunay ng pangako ng OTS personnel sa matapat, maagap, at responsableng paglilingkod publiko, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. para sa serbisyong nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan.