Calendar
Lahat ng Brgy. Makiinabang project inilunsad sa Laguna
STA. Cruz, Laguna–Pinangunahan ni Executive Secretary Ralph Recto ang paglulunsad sa Laguna ng programang “Lahat ng Barangay Makikinabang” sa Laguna Sports Complex noong Biyernes.
Dinaluhan ng mga kinatawan ng 681 na barangay sa lalawigan ang event kasama ang 500 persons with disability (PWDs) at mga iskolar ng iba’t-ibang paaralan.
Dumalo rin si Gob. Sol Aragones sa pamamahagi ng P200,000 tulong pinansyal sa 681 barangay na nagkakahalaga ng P136.2 milyon na nakalaan para sa mga proyekto ng komunidad, mga gawaing pantrabaho at iba pang pangangailangan ng pamayanan.
“Sa 681 barangay sa Laguna, nais naming matiyak na walang komunidad ang maiiwan maging sa tulong-pinansyal man o sa mga pagkakataon para sa ating kabataan,” pahayag ni Recto.
Ang Malacañang ay susuporta ng limang iskolar sa bawat barangay, kung saan ang bawat iskolar ay tatanggap ng P20,000.
Tinanggap ni Aragones ang dalawang proyekto at nagpasalamat sa pambansang pamahalaan dahil sa pagkilala nito sa mga pangangailangan ng mga komunidad at ng kabataan sa Laguna.
Nakiisa sa gawain ang mga mayor, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at daan-daang opisyal ng barangay mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.
Marami sa kanila ang nagpahayag ng pag-asa na ang tulong at programang iskolarship ay maipagpatuloy at maabot din ang natitirang mga barangay sa susunod na yugto ng programa.
Nangako rin si Recto na magdaragdag ng 10 karagdagang ambulansya sa ilalim ng programang “Ambulance on the Go” ni Gob. Aragones.

