Calendar
Mga kongresista nagpasalamat sa tulong ng Kamara sa mga nasalanta
GINAMIT ng mga kongresista ang social media upang iparating kay Speaker Martin G. Romualdez ang kanilang pasasalamat sa ipinadala nitong tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.
Sinabi ni Maguindanao at Cotabato City Rep. Bai Dimple Mastura na lubos ang kanyang pagpapasalamat kay Speaker Romualdez na siyang nanguna sa isinagawang donation drive sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“ALHAMDULILLAH! For having a generous & kind hearted House Speaker Martin Romualde,” sabi Mastura sa kanyang Facebook post.
Bukod kay Speaker pinasalamatan din ni Mastura sina Tingog party list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Atty. Jude Acidre dahil sa kanilang mabilis na pagsaklolo sa mga nasalantang residente.
Nagpost din si Laguna 1st district Rep. Ma. Rene Ann Lourdes Matibag ng kanyang pasasalamat kay Speaker Romualdez.
“Isa na po ang unang distrito ng Laguna sa lubhang nasalanta ng Bagyong Paeng kaya naman malaki ang pasasalamat ko kay Speaker Romualdez sa kanyang pagpaparating ng tulong sa ating bayan,” sabi ni Matibag.
Sinabi ni Matibag na pinangunahan ni Romualdez ang paglikom ng donasyon para matulungan ang mga biktima ng bagyong Paeng.
“Bagama’t walang calamity fund tulad ng executive branch ang tanggapan ng inyong Kinatawan dahil kami sa Kongreso ay nakatutok sa legislative function, pinagtrabahuhan ni Speaker Romualdez ang makakalap ng mga donasyon na kanya namang ibinahagi sa mga congresista na nangangailangan ng relief goods para sa kanilang nasasakupan,” dagdag pa ng lady solon.
Nagrekord naman ng video si House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe upang pasalamatan si Romualdez sa pagpapadala ng tulong sa kanyang mga constituent sa Zamboanga City.