Don A. Roces HS pinadalhan ng bomb threat sa socmed

102 Views

SINUSPINDE ang klase sa Don A. Roces High School sa Quezon City nitong Huwebes matapos makatanggap ng bomb threat ang isang school official sa pamamagitan ng social media.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), agad na rumesponde ang mga tauhan ng Kamuning Police Station 10 (PS 10) matapos i-report ng isang school official ang nagbabantang mensaheng natanggap nito sa Facebook Messenger.

Pinangunahan ni PLTCOL Aljun B. Belista, station commander ng PS 10, kasama ang District Explosive and Canine Unit (DECU), ang masusing pag-iinspeksyon sa buong paaralan.

Walang nakitang bomba, improvised explosive device (IED), o iba pang mapanganib na materyales sa isinagawang pag-sweep sa lugar.

Bilang pag-iingat, sinuspinde ng pamunuan ng paaralan ang klase upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at kawani.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pinagmulan ng mensahe at ang responsable sa pagpapadala nito.

Pinayuhan ng QCPD ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at agad i-report sa pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

Para sa agarang tulong, maaaring tumawag sa QCPD Hotline 122 o national emergency hotline 911.