Nasugbu

Obrero nakumpiskahan ng baril sa Nasugbu

39 Views

Nasugbu1Nasugbu2

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Kalaboso noong Miyerkules ang 38-anyos na construction worker matapos makumpiskahan ng baril sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Aga, Nasugbu, Batangas.

Kinilala ni Batangas Police Provincial Office (PPO) Provincial Director PCol. Oliver B. Ebora ang nadakip na suspek si alyas Mark, residente rin ng naturang barangay.

Ang operasyon ay ikinasa ng magkasanib na pwersa ng Batangas PPO at Nasugbu Municipal Police Station laban sa suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nakuha mula sa suspek ang isang Thompson pistol na walang serial number, magazine at tatlong bala para sa naturang baril, buy-bust money at 18 piraso ng P1,000 na boodle money, cellphone at sling bag.

Nasaksihan ng isang opisyal ng barangay at kinatawan ng media ang operasyon, kung saan ginamit din ang Alternative Recording Device.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Nasugbu MPS habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kaniya.