Calendar
Baste humarap sa witness stand
HUMARAP sa witness stand sa Senado noong Martes si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kaugnay ng mga kontratang nagkakahalaga ng P34.2 milyon na iginawad ng Davao City government sa Gencorp Industries Inc., isa sa mga kumpanyang idineklara ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte na may business interest sila.
Ayon kay private prosecutor Atty. Theodore Te, hihilingin ng prosecution na ideklarang hostile witness si Mayor Duterte habang sinusuri ang kanyang kaalaman tungkol sa Gencorp at sa mga kontratang iginawad ng Davao City government mula 2022 hanggang 2025.
Maaari siyang ituring na hostile witness matapos mailatag ng prosecution ang kinakailangang batayan para sa naturang deklarasyon.
Tatanungin si Mayor Duterte tungkol sa 15 kontrata para sa food at catering services na iginawad sa Gencorp mula 2022 hanggang 2025. Iginiit ni Te na bilang Head of the Procuring Entity (HOPE) ng Davao City, inaprubahan ni Mayor Duterte ang mga naturang kontrata.
Tatanungin din ang alkalde tungkol kay Jaime T. Cruz, na inilarawan ng prosecution bilang isang malaking stockholder ng Gencorp at co-stockholder ni Vice President Duterte sa isa pang korporasyon.
Bahagi ang testimonya ni Mayor Duterte ng presentasyon ng House prosecution sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment na tumatalakay sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman, financial disclosures at business interests ng Vice President.
Isinama ni Vice President Sara Z. Duterte ang Gencorp sa kanyang mga business interest sa kanyang 2024 at 2025 Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ayon sa mga rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC) na naiharap na sa paglilitis, hindi direktang nakalista ang Vice President bilang incorporator, director o stockholder ng Gencorp.
Nauna nang kinilala ni Mayor Duterte na nakipagtransaksyon ang Davao City government sa Gencorp sa pamamagitan ng 19 na kontrata na nagkakahalaga ng mahigit P33.2 milyon.
Samantala, nagpatotoo si Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Division Chief Rendell Sopeña na batay sa rekord ng PhilGEPS, may 15 kontrata ang Davao City na iginawad sa Gencorp na may kabuuang halaga na P34,216,900.
Dala rin ni Mayor Duterte sa impeachment court ang mga dokumentong hinihingi sa subpoena. Dahil dito, iniutos ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero sa Clerk of Court na gumawa ng mga kopya para sa korte, prosecution at defense.
Ayon kay Escudero, umaabot sa humigit-kumulang 100 pahina ang mga dokumentong isinumite ng alkalde.
Samantala, kumontra ang defense sa testimonya ni Mayor Duterte at kinuwestiyon ang pagiging relevant nito sa kaso.
Ayon kay Atty. Justin Nicol Gular, nauna nang naitatag sa mga testimonya na ang mga transaksyon ng Davao City sa Gencorp ay naganap matapos ang termino ni Sara Duterte bilang alkalde.

