Nurse

Nurse himas rehas sa pagpaputok ng baril

Edd Reyes Oct 1, 2026
43 Views

KALABOSO ang 41-anyos na registered nurse nang magpaputok umano ng baril sa gitna ng mainitang komprontasyon nila ng biktima Miyerkules ng hapon sa Taguig City.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor, nakarating sa kaalaman ng biktima, na itinumba umano ng suspek ang motorsiklo ng kanyang pamangkin na nakaparada sa Barangay Cembo sa hindi nabatid na dahilan.

Nang malaman ng biktima na bumalik sa lugar ang suspek na nagsisisigaw pa, nagtungo siya rito upang kausapin ang lalaki na nauwi sa mainitan nilang pagtatalo.

Kinuha umano ng suspek ang baril sa kanyang motorsiklo at nagpaputok na dahilan upang matalsikan ng nadurog na tinamaang semento ang paa ng biktima.

Nang sumakay sa kanyang motorsiklo para tumakas ang suspek, dito na nakahingi ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station-11 na nagpapatrulya sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas Benson Remo at pagkakasamsam sa kalibre .45 pistola na ginamit sa pagpapaputok.