Garin1

Pagbigay ng Doxycycline para sa mga tinamaan ng lepto iginiit

Mar Rodriguez Nov 8, 2022
194 Views

IGINIGIIT ngayon ng isang kongresista sa Department of Health (DOH) na kinakailangan nilang ituon at ilaan ang gamot na “doxycycline” para sa mga taong tinamaan o mayroong “leptospirosis” partikular na sa mga barangay at paaralan na ginagamit na evacuation center.

Ang pahayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st Dist. Cong. Janette L. Garin ay kaugnay sa naging problema ng ilang provincial district o Local Government Units (LGU’s) matapos silang mahirapang makapagbigay ng doxycycline sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng bagyong Paeng dahil sa kakulangan o kakapusan ng supply nito.

Sinabi ni Garin na bago pa man nanalasa ang bagyong Paeng, ang mga gamot at medical supplies ay inilagay ng DOH sa mga Regional Offices nito bilang paghahanda sa paparating na “super typhoon”. Subalit nahirapan ang DOH na maibaba sa mga LGU’s ang mga nasabing gamot partikular na ang kinakailangang doxycycline.

Ipinaliwanag ni Garin na sa kaniyang lalawigan mismo (Iloilo) ay anim na araw pa ang lumipas bago nakarating ang doxycycline habang ang ilang lalawigan naman na matinding tinamaan ng bagyong Paeng ay hindi parin nahahatiran ng nasabing gamot.

“Leptospirosis is a preventable disease pero ang nangyayari sa atin ay huli na yung prophylaxis na para sa prevention. Doxycycline to be effective should be iniated as soon as possible,” ayon kay Garin.

Dahil dito, sinabi pa ng kongresista na kailangang ilaan at ituon ng DOH ang doxycycline sa mga panahong mayroong kalamidad. Sapagkat ito ang klase ng gamot na higit na kailangan sa panahon na mayroong paparating na super typhoon tulad ng bagyong Paeng.