Calendar
Mag-ina wala ng buhay natagpuan
NAAAGNAS na ang katawan at masangsang na ang amoy ng bangkay ng mag-ina na edad 83 at 53-anyos nang madiskubre sa kanilang bahay sa Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City noong Miyerkules.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-9:00 ng gabi noong Setyembre 30 nang madiskubre ang mga bangkay.
Ilang araw na umanong nakaaamoy ng masangsang na amoy ang mga kapitbahay mula sa paligid ng bahay kaya pinuntaha ito at ilang ulit na kumatok subalit walang sumagot.
Ipinaalam nila ang insidente sa security guard ng subdivision na nagtungo sa bahay at nakumpirmang nagmumula roon ang masangsang na amoy.
Iniulat ng guwardiya ang insidente sa mga opisyal ng barangay at sa mga awtoridad.
Nang silipin ng mga awtoridad ang loob ng bahay, nakita nila ang mga bangkay ng mag-ina na kapwa walang saplot at nakahandusay malapit sa pintuan.
Dumating ang SOCO Team ng QCPD Forensic Unit at isinailalim sa pagsusuri ang lugar.
Lumabas sa paunang pagsusuri na posibleng ilang araw ng patay ang mag-ina dahil nasa early stage of decomposition na ang mga katawan.
