Calendar
Mga pasahero pinaalalahanan sa mga bawal ilagay sa checked in luggage
PINAALALAHANAN ng Office for Transportation Security (OTS) ang lahat ng pasahero na tiyaking walang laman ang kanilang bagahe ng mga prohibited items bago pa man pumunta sa paliparan. Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. upang mapanatili ang kaligtasan, seguridad, at kaginhawaan ng mga biyahero.
Ang paalala ay kasunod ng pagkaka-intercept ng isang gun-shaped lighter mula sa checked in baggage ng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport Terminal noong Setyembre 29, 2026.
Ang pasahero ay nakatakdang bumiyahe patungong Pagadian sakay ng Cebu Pacific flight 5J 771.
Bagama’t hindi tunay na baril ang naturang lighter, ang anyo nito ay maaaring magdulot ng alarma sa mga security screening. Bukod dito, naglalaman ito ng flammable material na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan.
Natukoy ang item sa pamamagitan ng OTS Security Screening Officer (SSO) Robert Benesa na nakakita ng imahe na kahawig ng baril sa X-ray monitor. Agad itong iniulat kay Baggage Inspector SSO Arnie Amor Guadalupe at Checkpoint Supervisor Michael Cerdan, na nakipag-ugnayan sa airline representative at sa PNP Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP).
Kumpirmado sa inspeksiyon ang presensya ng lighter kasama ang dalawang laptop computers na, ayon sa polisiya ng airline, ay dapat dalhin bilang carry-on baggage. Ang lighter ay isinuko sa PNP-AVSEGROUP, habang ang mga laptop ay inilipat sa carry-on baggage ng pasahero. Matapos ang kaukulang proseso, pinayagan ang pasahero na magpatuloy sa kanyang biyahe.
Ayon kay OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz:
“Para sa lahat ng ating mga pasahero, siguraduhin po natin na alam at nasusunod ang mga security requirements bago pa man pumunta sa paliparan. Mainam na tingnan at i-check muna ang laman ng inyong mga bag upang maiwasan ang abala at pagkaantala sa inyong biyahe. Tandaan natin na ang pagsunod sa mga security requirements ay hindi lamang para sa inyong kaligtasan, kundi para sa seguridad ng lahat.”
Muling binibigyang-diin ng OTS na responsibilidad ng mga pasahero na tiyaking walang prohibited o restricted items ang kanilang bagahe bago pumasok sa paliparan. Ang mga naturang bagay ay maaaring kumpiskahin, sumailalim sa masusing inspeksiyon, o magdulot ng pagkaantala sa biyahe.
Pinapayuhan ang lahat ng pasahero na i-check ang kanilang bagahe bago umalis patungong paliparan at alamin ang mga umiiral na polisiya ng airline at airport authorities.

