Calendar
BI ipinadeport 4 na Hapon na wanted sa fraud sa Japan
IPINADEPORT ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Japanese nationals na wanted sa mga kasong fraud sa Japan, matapos silang ibalik sa kustodiya ng mga awtoridad ng Japan noong Martes, Setyembre 29.
Sakay ng Japan Airlines mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, ang apat ay ineskortahan ng mga tauhan mula sa Japan National Police Agency (JNPA).
Bahagi ang deportasyon ng patuloy na kampanya ng BI laban sa mga dayuhang pugante at kriminal na nasa bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga dayuhang kriminal na sindikato.
Ang unang dalawang deportees ay inaresto ng mga awtoridad ng imigrasyon noong Abril 28, 2026 matapos mapatunayang may mga outstanding warrants mula sa Kokura Summary Court sa Japan kaugnay ng kasong fraud. Ayon sa ulat, sangkot sila sa modus na pagpapanggap bilang mga pulis upang makapandaya sa pinansyal na transaksyon. Nabatid din na sila ay nag-overstay sa Pilipinas matapos hindi palawigin ang kanilang bisa ng pananatili.
Samantala, ang dalawa pa ay natukoy ding may mga warrant of arrest mula sa Omiya Summary Court sa Japan dahil sa kasong fraud. Tulad ng nauna, sila rin ay nag-overstay sa bansa.
Ang apat ay sakop ng magkakahiwalay na summary deportation orders na inilabas ng BI at agad na ipinasa sa mga awtoridad ng Japan para sa kaukulang legal na aksyon.
Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na hindi magiging ligtas na kanlungan ang Pilipinas para sa mga dayuhang sangkot sa ilegal na gawain o tumatakas sa hustisya sa kanilang bansa.
“Hindi papayagan ng Bureau of Immigration na maging kanlungan ang Pilipinas ng mga dayuhang pugante o indibidwal na sangkot sa ilegal na aktibidad. Patuloy naming palalakasin ang koordinasyon sa mga international law enforcement counterparts upang matiyak na ang mga wanted sa mabibigat na kaso ay matutukoy at mahaharap sa hustisya alinsunod sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas,” ani Viado.
Muling tiniyak ng BI ang kanilang pangako sa mas pinaigting na information-sharing at law enforcement coordination sa mga dayuhang counterpart bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap na siguruhin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa, ipatupad ang mga batas sa imigrasyon, at tiyakin na lahat ng enforcement actions ay sumusunod sa due process.

