Magsaysay

Party List solon nanawagan kay PBBM na lagdaan na Universal Social Pension Act

Mar Rodriguez Oct 2, 2026
30 Views

NANAWAGAN si United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na lagdaan na ang Universal Social Pension Act kasabay ng paggunita sa Elderly Filipino Week mula Oktubre 1 hanggang 7.

Panahon na upang matiyak ang pantay at tuloy-tuloy na suportang pinansyal para sa mahigit 12 milyong senior citizens, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at gastusing medikal.

Ang mga nakatatanda ay naglaan ng maraming taon sa pagtatrabaho, pagtataguyod ng pamilya at pagtatayo ng mga komunidad, kaya nararapat lamang na magkaroon sila ng sapat na proteksiyon at seguridad sa kanilang pagtanda, ayon sa babaeng mambabatas.

“Ang ating mga lolo at lola ang nagbanat ng buto, nagtaguyod ng pamilya at nagpalaki sa mga henerasyong nagpapatakbo ngayon sa ating bayan. Hindi makatarungan na sa kanilang pagtanda ay nangangamba pa sila kung saan kukunin ang pambili ng gamot o pagkain,” pahayag ni Magsaysay.

Hindi dapat ituring na limos ang social pension, kundi isang paraan upang mapangalagaan ang dignidad at kapakanan ng mga senior citizen.

Layunin ng Universal Social Pension Act na palawakin ang saklaw ng social pension upang makinabang ang lahat ng senior citizens at alisin ang mga limitasyon at prosesong maaaring maging dahilan upang hindi makatanggap ng tulong ang maraming nakatatanda.

“Mahal naming Pangulo, sa pagdiriwang po ng Elderly Filipino Week ngayong Oktubre 1 hanggang 7, umaasa ang milyun-milyong senior citizens sa inyong malasakit at pamumuno.

Ang isang lagda po ninyo ay maaaring magdulot ng kapanatagan, kalinga at pag-asa sa bawat tahanang Pilipino,” pahayag nito.

Hinimok din niya ang mga organisasyon ng senior citizens, civil society groups at mga pamilya sa buong bansa na suportahan ang panukala at patuloy na iparinig ang kanilang panawagan para sa mas malawak na proteksyong panlipunan.

“Hindi po ako titigil hangga’t hindi natutugunan ang karapatan ng bawat lolo at lola. Sa ating mga minamahal na senior citizens, magtiwala po kayo,” ani Magsaysay.