Acidre

Mas malawak na govt support sa pamilyang Pinoy isinulong ni Acidre

Mar Rodriguez Oct 2, 2026
22 Views

ISINUSULONG ni TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre ang mas malawak na suporta ng pamahalaan sa pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng House Bill No. 11492 o ang “Filipino Family First Act.”

Inihain ang panukala sa pagtatapos ng ika-34 National Family Week na naglalayong palakasin ang tulong ng pamahalaan sa mga pamilyang may responsibilidad sa pagpapalaki ng mga anak, pag-aalaga sa mga umaasa sa kanila, pagtutugma ng trabaho at family caregiving at pagharap sa mga panahon ng krisis.

“Malaki ang ginagampanang papel ng mga pamilya sa pagpapanatili ng ating lipunan,” pahayag ni Acidre. Hindi dapat harapin ng mga pamilya nang mag-isa ang lahat ng kanilang responsibilidad, sabi ng kongresista.

“Hindi ibig sabihin na kailangan nilang harapin lahat ng ito nang mag-isa. Dapat tiyakin ng pamahalaan na may sapat na suporta ang mga magulang at caregiver upang magampanan nila nang maayos ang kanilang mga responsibilidad,” dagdag ni Acidre.

Sa ilalim ng HB 11492, nais palakasin ang mga umiiral na marriage preparation programs.

Maaari ring magkaroon ng boluntaryong suporta para sa mga bagong mag-asawa, kabilang ang paghahanda sa pagiging magulang, financial literacy, mental health assistance at referral sa iba pang kinakailangang serbisyo.

Para sa mga pamilyang naghahanda sa pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak, isinusulong ng panukala ang mas maayos na koordinasyon ng mga serbisyo para sa prenatal care, maternal at neonatal health, nutrisyon at early childhood development, partikular sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata.

Kinikilala rin ng panukala ang hamon ng mga magulang at caregiver na kailangang pagsabayin ang paghahanapbuhay at pag-aalaga sa pamilya.

Kaya inaatasan ng panukala ang pagbuo ng family-supportive workplace standards na maaaring kabilang ang flexible work arrangements kung pinahihintulutan ng batas, mas predictable na work schedules, maternity at paternity support, childcare arrangements at makatwirang accommodation para sa mga empleyadong may mahahalagang caregiving responsibilities.